ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hostage taker sa Quirino grandstand inilibing na sa Batangas


Inihatid na sa huling hantungan sa Batangas nitong Sabado ang sinibak na pulis-Maynila na nanghostage ng mga turista mula sa Hong Kong noong Lunes. Dakong 4: 00 p.m. nang ilibing sa Himlayan Cemetery sa Tanauan, Batangas si dating Police Senior Inspector Rolando Mendoza. Bago dalhin sa sementeryo, isang misa ang dinaluhan ng kanyang mga kaibigan at kamag-anak sa St. John the Baptist Church. Nitong Biyernes ay nagpahayag ng galit ang Chinese Embassy nang malaman nila na nilagyan ng watawat ng Pilipinas ang ataul ni Mendoza. Hindi umano nararapat sa katulad ni Mendoza na balutan ng watawat ng bansa ang ataul dahil sa ginawang krimen.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nilinaw naman ng pamahalaan ng Pilipinas na hindi nila batid ang nangyaring paglalagay ng watawat sa ataul ng pumanaw na pulis. Sa isang ulat ng GMA news 24 Oras, sinabing isang lalaki ang nag-alis ng watawat makaraan nitong kausapin ang pamilya ni Mendoza. Natanggal sa serbisyo si Mendoza matapos paboran ng Office of the Ombudsman ang reklamo na sangkot ito sa pangingikil. Mariing pinabulaanan ni Mendoza ang paratang at ginamit na paraan ang pag-hostage sa mga turistang Hong Kong Chinese upang hilingin na maibalik siya sa serbisyo. Ngunit nauwi sa madugong wakas ang 11-oras na hostage crisis sa loob ng isang bus na nakaparada sa Quirino Grandstand sa Luneta. Kasama ni Mendoza na nasawi ang walo niyang hostage na turista. - GMANews.TV