Ex-congressman, 2 ex-mayor sa Sulu idinawit sa Zambo airport bombing
Isinama na sa listahan ng pulisya bilang suspek sa bigong asasinasyon sa gobernador ng Sulu ang isang dating kongresista, at dalawang dating alkalde kaugnay sa naganap na pagsabog sa Zamboanga International Airport noong Agosto 5. Ayon kay Chief Superintendent Edwin Corvera, regional police chief, isinangkot ng mga testigo sa airport bombing sina dating Sulu Representative Munir Arbison, at mga kaalyado umano nito sa pulitika na sina ex-mayors Najib Maldiza sa bayan ng Maimbung at Ahmad Nanoh sa Pangutaran. Pinapaniwalaan na target sa pambobomba sa airport si Sulu Governor Sakur Tan na bahagyang nasugatan sa naturang insidente. Nasawi naman sa pagsabog ang mga pinapaniwalaang may dala ng bomba na sina Reynaldo Apilado, at Hatimil Haron. Si Arbison ay tumakbong gobernador sa lalawigan ng Sulu noong nakaraang halalan kung saan natalo siya sa nakaupong gobernador na si Tan. Nabigo namang makabalik sa kanilang mga puwesto sina Maldiza at Nanoh dahil natalo rin sila sa nakaraang halalan. Sinabi ni Senior Superintendent Edwin Diocos, regional chief ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-PNP), apat na testigo ang nagturo kina Arbison, Maldiza at Nanoh na may kinalaman sa nangyaring pagsabog. Batay sa impormasyon na ibinigay ng mga testigo na kasama umano sa pagplano na patayin si Tan, alam ng tatlong pulitiko ang planong asasinasyon at ginawa ang pagplano sa Zamboanga City at maging sa Maynila. Bukod sa tatlo, nauna nang idinawit ng pulisya sa airport bombing sina Allan Sabudin, Muamar Astali at Adong Salahuddin. Ito ay matapos na makita sila sa security video sa hotel sa Zamboanga City kasama ang mga nasawing sina Apilado at Haron. Patuloy na pinaghahanap ang tatlong lalaki sa security video. Idinawit din ng pulisya sa pagsabog sina Maulana Omar, Jojo Adam, Musimar Alih, Munir Hadjirul at ilan pang sinasabing kaalyado ng dating kongresista. Sa isang panayam sa local television, iginiit ni Arbison na wala siyang kinalaman sa ibinibintang ng pulisya at handa niyang sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya. - GMANews.TV