ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hand-foot-and-mouth disease 'di dapat balewalain - Dr Tayag


Inihayag ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes na lubhang nakakahawa at hindi dapat balewalain ang sakit na posibleng tumama sa television host-actress na si Kris Aquino at dalawa nitong anak na sina Josh at Baby James o Bimby. Sa panayam ng Unang Hirit ng GMA 7, ipinaliwanag ni Dr. Eric Tayag, pinuno at tagapagsalita ng National Epidemiology Center ng DOH, na magkaiba ang hand-foot-and-mouth disease (HFMD) kumpara sa foot and mouth disease (FMD), na sinabi ni Kris sa kanyang Twitter account nitong Huwebes na tumama sa kanilang mag-iina. Ayon kay Tayag, ang HFMD ay mula sa virus na nasa loob ng sistema ng katawan ng tao at karaniwang tinatamaan ng sakit na ito ay mga bata. Samantala, sa hayop naman na katulad ng baboy tumatama ang FMD. Paliwanag ng opisyal, hindi naisasalin sa tao ang FMD kahit pa makakain ito ng hayop na kontaminado ng nabanggit na sakit (FMD). “Kailangang ipaliwanag maraming tumatawag sa amin na hindi, na iba po itong (HFMD) sa FMD na karaniwang nakikita po sa mga baboy at castles. Iba po ‘yon at ang FMD ay hindi nakakahawa sa tao," pagtiyak ni Tayag.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ayon kay Tayag, ang HFMD ay karaniwang tumatama sa mga bata at bihira lang sa mga matatanda. Kadalasang nagkakaroon umano ng pagkakahawa ng sakit sa mga paaralan partikular sa mga daycare center. “Ang hand-foot-mouth disease ay isang viral illness na madalas nakikita sa mga bata and very uncommon ‘yan sa mga adults. Ito’y nag-uumpisa sa lagnat at sinusundan ito halimbawa ng pananakit sa lalamunan. Puwede ring magkaroon ng sakit ng tiyan o pagsusuka o pagtatae," paliwanag ng opisyal. Karaniwan umanong tinatawag na HFMD dahil kasama sa sintomas ng sakit ang pagkakaroon ng mga butlig o rushes ng pasyente sa paligid ng labi, kamay, talampakan at kung minsan sa puwetan. Patuloy pa ni Tayag, ang HFMD ay hindi “airborne" at ang virus ay naipapasa sa pamamagitan ng direct contact tulad sa laway. “Pagkat lubhang nakakahawa, ang payo namin ‘wag munang papasukin ang bata, sa bahay muna at kusa naman gumagaling po ‘yon," payo niya. Sa isang tweet ni Kris, sinabi nito na nagkaroon sila ng mataas na lagnat at isang linggo silang naka-quarantine ng kanyang mga anak. Kasama umano niya sa isang kuwarto sa kanilang condo si Baby James, habang nakabukod naman si Josh na papagaling na. Bagaman bihira umano ang naoospital dahil sa HFMD, sinabi ni Tayag na hindi dapat ipagsawalang-bahala ang sakit dahil maaari rin itong mauwi sa kamatayan. “Bihira ang naoospital pero sa severe cases maaaring maapektuhan ang utak (ng pasyente), magkaroon ng meningitis at yung ilan baka rin mamatay. Kaya dapat ‘wag ipagwalang-bahala pa rin," payo niya. Sinabi rin ni Tayag na bihirang nairereport sa DOH ang HFMD dahil wala silang isinasagawang active surveillance. Gayunman, kadalasang iniuulat sa kanila ng mga pediatrician ang sakit na karaniwan umanong pinanggagalingan ng sakit at mga daycare center. - FRJimenez, GMANews.TV