ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Malacanang binatikos sa panunuhol raw ng ‘pork barrel’ funds sa Kamara


MANILA – “Biglang lumiko ang tuwid na daan pagdating sa Kongreso." Ito ang puna ni Bayan Muna party-list Rep Teodoro Casino, matapos ihayag ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. nitong Biyernes na lolobo ang alokasyon sa ilang distrito dahil sa ibubuhos na proyekto ng national government. “I am shocked that the DBM (Department of Budget and Management) has agreed to give all district representatives an additional P50 million each from the 2011 DPWH (Department of Public Works and Highways) lump sum as admitted by the House leadership to the media this afternoon," ayon kay Casino. Sinabi ni Casino na ang naturang halaga ay bukod pa sa nakalaang regular na pork barrel funds sa mga kongresista bawat taon na aabot sa P70 milyon bilang priority development assistance fund (PDAF). “This is on top of existing pork barrel funds. Is this the price Malacañang is willing to pay to ensure the smooth approval of its preferred pork – the conditional cash transfers? This is pork in exchange of pork. Biglang lumiko ang tuwid na daan pagdating sa Kongreso," patungkol ng kongresista sa campaign slogan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Ang conditional cash transfer (CCT) ay programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa 2011 na nilaanan ng P21 bilyon para magbigay ng pinansiyal na tulong sa mga pinakamahihirap na pamilya sa bansa. Ilang kongresista ang tutol sa programa dahil nagbibigay umano ito ng maling halimbawa sa mga Pilipino na umaasa sa ipagkakaloob na pera sa halip na hanapan sila ng trabaho. Bukod dito, naghihinala rin ang ilang kongresista na mauwi rin lang sa katiwalian ang malaking halaga. Nitong Miyerkules, naantala ang deliberasyon ng P1.645 trilyong panukalang budget ng pamahalaan sa 2011 matapos pumalag ang ilang kongresista mula sa Visayas region dahil sa hindi umano patas na alokasyon ng pondo. Nagbabala si Eastern Samar Rep. Ben Evardone na haharangin nilang mga kongresista sa Visayas region ang pagpasa ng 2011 budget kung hindi pakikinggan ang kanilang reklamo. Sa pakikipagpulong ng mga kongresista kay DPWH Sec Rogelio Singson nitong Biyernes, tiniyak ng kalihim na makakakuha ng karagdagang P25 milyon pondo ang mga kongresista na manggagaling sa motor user’s vehicle charge (MVUC). Inihayag din ni Evardone, na nagbigay ng garantiya si Singson na maglalaan ang DPWH ng pinakamataas na P50 milyon pondo sa bawat distrito bilang bahagi “national project." “Meaning, if there is an on-going national road project in a particular district amounting to P40 million, it could get an additional P10 million to reach the ceiling of P50 million. This is not across the board and cannot be considered as pork barrel because it is part of the regular national government project," paliwanag ni Evardone. Nilinaw naman ni Belmonte sa mga mamamahayag na may ibang distrito na nakakakuha na ng pondo mula sa NEP (national expenditure program). “Let me try to tell you that, the NEP (national expenditure program), if you study, it also indicates certain amounts to be spent by the DPWH in the various districts. It was observed that some districts were really going to get a big amount of money because there are major projects there in that place," ayon sa lider ng mga kongresista. - GMANews.TV