Giit ng pamilya ng ilang akusado sa Maguindanao massacre: ‘Nagdurusa rin kami’
Nagsagawa ng mapayapang demonstrasyon ng mga asawa ng ilang pulis na akusado sa Maguindanao massacre sa Cotabato City nitong Sabado upang humingi rin ng hustisya para sa kanilang mga nakapiit na mister. Ang grupo ng mga asawa ng mga akusadong pulis ay tinawag na "11/23 advocates." Ipinanawagan nila sa pamahalaan na mapabilis ang paglilitis sa kanilang mga mister," batay sa ulat ng dzMM radio. Ayon kay Gladys Solano, asawa ng suspek na si SPO1 Ali Solano, siya at ang pamilya ng iba pang akusadong pulis sa karumal-dumal na krimen ay nakararanas ng problemang pampinansiyal dahil ilang buwan na ring iniipit ang sahod ng kanilang mga mister. May 62 pulis ang nakadetine ngayon at nahaharap sa kasong administratibo at kriminal. Kabilang sila sa 15th Regional Mobile Group, 1507th Provincial Police Mobile Group, at 1508th PPMG. Inakusahan sila na nakipagsabawatan sa mga pangunahing akusado sa pagpatay sa 57 katao sa Ampatuan, Maguindanao dahil kabilang sila sa mga nagbantay sa mga checkpoints kung saan hinarang ang convoy ng mga biktima sa Sitios Masalay at Malating, kapwa sa Barangay Salman sa bayan ng Ampatuan. Plano rin umano ng mga asawa ng mga na dalhin sa Maynila ang kanilang mapayapang protesta at umapela sa gobyerno. Magsasagawa rin umano sila ng pagkilos sa Disyembre 19 hanggang sa araw ng Pasko. Ang kaso ng tinaguriang Maguindanao massacre ay nililitis sa sala ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221. Ginagawa ang pagdinig dalawang beses isang linggo sa Quezon City Jail Annex Building sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig Ciy. Kabilang sa 57 biktima ng masaker noong Nob 23, 2009 ay 32 mamamahayag. Ang kasong administratibo laban sa mga pulis ay dinidinig ng binuong three-man panel ng National Police Commission sa Camp Bagong Diwa tuwing Biyernes. - GMANews.TV