Filtered By: Topstories
News

Anti-crime crusader na nagmura sa mga mahistrado ng SC, nagbitiw bilang pinuno ng VACC


MANILA – Nagbitiw sa kanyang puwesto bilang pinuno ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) nitong Biyernes si Dante Jimenez. Kinumpirma ni Jimenez ang kanyang pagbibitiw sa puwesto sa panayam ng GMANews.TV sa telepono. Gayunman, hindi niya sinabi ang dahilan at magpapalabas na lang umano ng pormal na pahayag ang VACC. Naging kontrobersiyal si Jimenez nang murahin nito ang mga mahistrado ng Korte Suprema nang makapanayam ng media kasunod ng desisyon ng pinakamataas na korte na palayain ang mga akusado sa Vizconde massacre.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Naganap ang pagmumura ni Jimenez kasunod ng labis na hinanakit ni Lauro Vizconde, ama ng mga biktima ng masaker, sa naging pasya ng SC na pakawalan ang mga suspek sa Visconde massacre sa pangugna ni Hubert Webb. "Kayo mga justices, mga PI kayo! Pinatay ninyo ang criminal justice system," galit na pahayag ni Jimenez sa harap ng media, habang katabi si Vizconde. Nasawi sa naturang karumal-dumal na krimen na naganap noong 1991 ang asawa ni Lauro at dalawa niyang anak na babae. Nitong Miyerkules, sinabi ni Atty Jose Midas Marquez, court administrator at spokesman ng SC, na maaaring i-contempt si Jimenez dahil sa ginawa nito laban sa mga mahistrado. Kinastigo rin ni Senate President Juan Ponce Enrile ang ginawa ni Jimenez na isang uri umano ng pambabastos sa mga pinuno ng hudikatura. - GMANews.TV