ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy nagtalaga ng bagong pinuno ng POEA; PDEA may bago ring hepe


MANILA – May bagong pinuno na itinalaga si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Sa text message nitong Huwebes, sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na papalit si Atty Carlos Cao Jr., kay POEA administrator Jennifer Manalili. Si Manalili ay mahigit dalawang taon nanungkulan sa POEA nang italaga sa puwesto ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Setyembre 2008. (Basahin: New POEA head: More protection for OFWs) Nang maupo sa POEA, ipinangako ni Manalili na isusulong niya ang pagbibigay ng proteksiyon sa mga OFW, kahit pa ang pangunahing mandato ng ahensiya ay maghanap ng trabaho para sa mga migranteng manggagawa. Samantala, 19 na taon si Cao na nagsilbi bilang chief legal counsel at pinuno ng corporate planning department ng Mitsubishi Motor Philippines Corp. bago siya nagretiro noong 2006. Sa panayam ng GMANews.TV sa telepono, sinabi ni Cao na ipinaalam sa kanya ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz noong Disyembre 29 ang pagkakapili sa kanya ng search committee na pamunuan ang POEA. Nagtapos ng kursong Journalism sa University of the Philippines sa Diliman si Cao, at pagkatapos ay kumuha ng abogasya sa nabanggit na unibersidad. Kapatid ni Carlos ang kasalukuyang UP Diliman Chancellor na si Sergio Cao. Kasabay nito, papalitan naman ni retired Chief Superintendent Jose "Sonny" Gutierrez, si Ret. Gen Dionesio Santiago bilang bagong pinuno ng PDEA. Si Gutierrez ay dating hepe ng Southern Police District. Kapwa produkto ng Philippine Military Academy sina Gutierrez (Class ‘73) at Santiago (Class '70). - GMANews.TV
Tags: poea, ofws, pdea