Lalaking may sakit umano sa pag-iisip, nanaksak ng ina, kapatid
Isang lalaki na may sakit umano sa pag-iisip ang nanaksak ng kanyang ina at kapatid sa Bacolod City nitong Miyerkules ng umaga. Sa panayam ng dzBB radio, sinabi ni Senior Superintendent Leilani Garcia, hepe ng Bacolod City police Station 4, na nagtamo ng mga sugat sa katawan ang dalawang biktima. Sa paunang imbestigasyon, lumitaw na naghahanda ng almusal sa kanilang bahay sa Brgy Villa Estafania, dakong 7:00 am, si Gng Yolanda Lim, 57-anyos, nang bigla umanong sunggaban ng anak niyang si Kevin, 30-anyos, ang isang patalim at inatake ang ina. Nang marinig ang sigaw ng ina, agad na sumaklolo ang isa pa niyang anak na si Richard, 27-anyos, ngunit siya man ay sinalakay ng nagwawalang kapatid. Habang nagpapambuno ang kanyang dalawang anak, nagawa ni Gng Lim na magkulong sa banyo, hanggang sa nakatakbo naman palabas ng bahay si Richard at humingi ng tulong sa mga kapit-bahay. Nagtamo ng mga sugat sa dibdib, sikmura at binti si Gng Lim, habang nagkasugat sa braso at mukha si Richard. Kapwa isinugod sa pagamutan ang mga biktima. Nilinaw ni Garcia na hindi ikinukonsidera ng mga awtoridad na hostage-taking ang naganap na insidente sa pamilya kahit hindi kaagad nakausap ang ina dahil sa pagtatago sa banyo. "The suspect, believed to be mentally-deranged, was arrested by the police," ayon kay Chief Superintendent Agrimero Cruz Jr., tagapagsalita ng PNP. - GMANews.TV