ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Pagkapanalo sa kaso, mas importante kaysa halaga ng danyos, ayon sa Palasyo
MANILA â Higit sa halaga, inihayag ng Malacañang nitong Sabado na mas importante ang âmoral victory" na nakamit ng mga biktima ng human rights violation ng rehimeng Marcos. Ang pahayag ang ginawa ni Deputy presidential spokeswoman Abigail Valte kaugnay sa ilang pagpuna na maliit ang $1,000 danyos na matatanggap ng mga biktima ng Martial Law batay sa naging desisyon ng US Federal court. Ayon sa tagapagsalita ng Palasyo, ang higit na mahalaga ay napatunayan ang pagkakamali tungkol sa kaso at na-vindicate ang mga human rights victims. Iginiit ni Valte sa panayam ng dzRB radio na may ipinaglalabang prinsipyo ang mga biktima tungkol sa kamalian na ginawa sa kanila at ito umano ay napatunayan at naitama dahil sa naging desisyon ng korte sa US. âNauunawaan din natin na may mag-iisip na hindi sapat ang halagang $1,000 sa mga biktima at sa kanilang mga naiwan," dagdag niya. Sa kabila nito, tumanggi si Valte na magkomento sa tanong kung maaari bang pairalin sa Pilipinas ang naging desisyon ng korte sa US. Kailangan umano muna niyang isangguni kay Solicitor General Jose Anselmo Cadiz ang naturang usapin. Nitong Huwebes, inaprubahan ni US District Judge Manuel Real ang pamamahagi ng $7.5 milyon para bayaran sa mga biktima ng human rights violation na naganap noong rehimen ni dating pangulong Ferdinand Marcos. [Basahin: US judge OKs payment of $7.5M to Marcos victims] Ang desisyon ay magiging unang oportunidad sa mga biktima na makakuha ng danyos sa mga Marcos matapos silang magsampa ng demanda laban sa dating pangulo noong 1986. Simula sa susunod na buwan, makukuha ng 7,526 sumama sa paghahain ng class-action lawsuit ang kanilang tig- $1,000. Ang ipambabayad sa mga biktima ay galing sa ari-arian ng mga Marcos sa US na nagkakahalaga ng $10 milyon. Samantala, $2.5 milyon nito ay gagamitin bilang legal fee at pambayad sa taong tumulong upang matukoy ang ari-arian ng mga Marcos. Nais naman malaman ng Samahan ng mga Ex-detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA), grupo ng mga ex-detainees ng Marcos regime, kung bakit 7,526 lamang sa 9,539 biktima ng human rights violation ang nailagay sa listahan ng babayaran ng danyos. Sa sulat na ipinadala nila kay American lawyer Robert Swift, gusto nilang malaman kung bakit hindi ipinambayad sa mga biktima ang buong $10 milyon. At sino at kailangan naaprubahan ang listahan ng babayarang 7,526 na biktima. - GMANews.TV
More Videos
Most Popular