ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bitay sa mga nanghalay sa sikat na aktres


Sa pag-init muli sa usapin na ibalik ang parusang kamatayan, alam niyo ba na tatlong lalaki mula sa may kayang pamilya ang hinatulang mamatay sa silya elektrika noong 1972 dahil sa paggahasa sa isang sikat na aktres. Inabot ng may limang taon ang paglilitis sa kasong panggagahasa na isinampa ng noo’y sikat na young actress na si Maggie dela Riva, laban sa mga akusado na sina Jaime Jose, Basilio Pineda, Edgardo Aquino, at Rogelio Canial. Ang pagdukot at paghalay kay dela Riva ay naganap noong Hunyo 1967 sa Quezon City. Sa kabila ng banta sa kanyang buhay, nagdesisyon si dela Riva na magsumbong sa pulisya at isakdal ang mga akusado na mula sa may kayang pamilya. Ang kaso ni dela Riva ang itinuring pinaka-kontrobersiyal na krimen nang panahon iyon at tinutukan mga Pilipino. Pagkalipas ng ilan taong paglilitis, ipinataw ng noo’y si Judge Lourdes San Diego ng Quezon City court ang hatol na kamatayan, na pagkaraan ay kinatigan naman ng Korte Suprema. Sa apat na hinatulang mamatay, tanging si Canial lamang ang hindi napaupo sa silya eletrika dahil binawian ito ng buhay habang nakapiit. Miyerkules, hapon ng Mayo 17, 1972 ay magkakasunod na inilabas sa kanilang piitan ang mga kinalbong bilanggo na sina Jose, Pineda at Aquino, upang kuryentihin hanggang mamatay bilang parusa sa nagawa nilang krimen. Ang parusang kamatayan ay inalis nang manungkulan si dating Pangulong Cory Aquino noong 1986. Pero dahil sa pagtindi ng krimen noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos, muling ibinalik ang parusang kamatayan sa bisa ng Republic Act No. 7659 noong Disyembre 1993. Ngunit noong 2006, nagpasa ng bagong batas ang Kongreso na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo upang pawalang-bisa muli ang parusang kamatayan sa pamamagitan ng Republic Act 9346. - FRJimenez, GMANews.TV

Tags: pinoytrivia