ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Ultra stampede' tragedy ginunita ng mga kaanak ng mga biktima


MANILA – Nag-alay ng dasal at bulaklak nitong Sabado ang mga kamag-anak ng mga naging biktima ng Ultra (Stadium) stampede tragedy na naganap noong 2006 sa Pasig City. Sa ulat ng dzBB radio, sinabing nagdaos ng misa at nagsildi rin ng mga kandila na may iba’t ibang kulay sa labas ng stadium na kilala na ngayon bilang PhilSports Arena. Kasama rin ang mga miyermbro ng isang anti-crime group na naghandog ng puting bulaklak para sa 71 katao na nasawi sa trahedya. Naganap ang trahedya noong Feb. 4, 2006, nang dumagsa ang mga tao sa stadium upang sumali at makilahok sa anibersaryo ng dating programa na Wowowee. Ang programa ay ipinalalabas noon sa ABS-CBN, at si Willie Revillame ang host. Batay sa mga naglabasang ulat, tinatayang nasa 30,000 tao ang nagtungo sa nasabing stadium. Ngunit nagkaroon ng tulakan kaya marami ang nasawi at nasaktan. Hanggang ngayon ay patuloy na dinidinig sa korte ang kasong isinampa kaugnay sa naganap na trahedya. — GMA News Online