ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Milyong pondo, iba pang prebilehiyo para sa PNP chief, isiniwalat ni Lacson


MANILA – Isiniwalat ng nagtatagong si Senador Panfilo Lacson na hindi lang ang Armed Forces of Philippines ang nagtatampisaw sa malaking pondo, kundi maging ang Philippines National Police (PNP) na dati niyang pinamunuan. Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Lacson na nang maging PNP Chief siya noong Nobyembre 1999, ipinaalam sa kanya na mayroong P40 milyong “commander’s reserve" fund na maaari niyang gastusin. Bukod sa P40 milyon pondo, mayroon din umanong nakalaan sa kanya na buwanang gas allowance na hanggang pang 50 sasakyan ang konsumo, at credit card na mayroong napakataas na credit limit. Ngunit hindi umano pinakialaman ni Lacson ang naturang mga prebilehiyo para sa PNP chief. “I was never interested. I instructed my Director for Comptrollership, then Police Director, now Congressman Romeo Acop of Antipolo City to treat that reserved fund as part and parcel of the general fund for personnel welfare and other operational activities of the command," ayon kay Lacson na nanatiling PNP chief hanggang Enero 2001. Inatasan naman daw ni Lacson ang kanyang office administrative officer noon na si Chief Inspector Asper Cabula na isauli ang credit card at huwag ipa- activate. "Instead of enjoying these 'perks,' I focused on getting rid the police ranks of the ICU's (inept, corrupt and undisciplined police officers) and providing a no-nonsense law enforcement service to our people," ayon sa senador na nagtatago mula pa noong Enero 2010 dahil sa Dacer-Conbito double murder case. Kinumpirma ni Acop Sa panayam ng media nitong Miyerkules, kinumpirma ni Rep Acop ang pahayag ng dati niyang pinuno sa PNP na inatasan siyang gamitin ang P44 milyon bilang regular na pondo para sa pangunahing command units sa pulisya. “Hindi naman ‘yun for his use. Nandoon sa program of expenditure iyung P44 million a year para sa command reserve. Iyung command reserve was put up for the purposes of contingency. Ang sinasabi lang n’ya, ibigay mo sa units," ayon kay Acop. Gayunman, hindi umano alam ni Acop ang tungkol sa gas allowance at credit card privileges na sinabi ni Lacson. “I can’t say something about gas allowance kasi hindi naman ako ang program director, ang director ng gas allowance ay ‘yung director ng logistics. I don’t know anything about that (credit cards) also," dagdag ng kongresista. Pinabulaanan naman ni Acop na may “pabaon" sa nagreretirong PNP chief nang panahon na siya ang comptroller sa pondo ng pulisya. “Noong panahon namin, wala naman ‘yun and remember kasi hindi naman kami nag-retire, nag-resign kami even before our time kasi nga naalis si (former) President Estrada," pahayag ni Acop na nagsabing handa siyang humarap sa anumang imbestigasyon. Samantalahin ni PNoy Bilang suporta sa posibleng imbestigasyon sa paggamit ng pondo sa PNP, hinikayat ni Lacson si Pangulong Aquino na samantalahin ang pagkakataon kaugnay sa paggamit ng pondo ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. “Beyond those borders, I call on President Benigno Aquino III to seize this unusual opportunity of his time, highlighted by Heidi Mendoza and the supreme sacrifice inflicted by Gen Angelo Reyes upon himself, by including all other agencies of the national government in an extensive accounting of how the taxpayers' money are being spent. I am afraid, this opportunity will not present itself again even in the next one hundred years," ayon kay Lacson. Tiwala umano si Lacson na kayang makamit ni Aquino ang kanyang pangako sa bayan noong panahon ng kampanya para sa “daang matuwid." - GMA News