ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kaso ng tatay ni Rep Tupas Jr sa Ombudsman, tuloy


MANILA – Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang mosyon ni dating Iloilo governor Niel Tupas Sr., kaugnay sa kasong katiwalian na kinakaharap nito. Si Tupas ay ama ni Rep. Tupas Jr., ang chairman ng House justice committee na dumidinig sa impeachment case ni Ombudsman Merceditas Gutierrez. Inabisuhan na ng Office of the Ombudsman ang Sandiganbayan First Division na itutuloy nila ang pagsasampa ng kaso laban kay Tupas Sr. na nahaharap sa two counts of graft dahil sa umano’y maanomalyang kontrata na pinasok sa negosyanteng si Melvin C. Requinto tungkol sa sand and gravel quarrying business noong 2004. Batay sa reklamo, April 2004 nang nakipagkasundo para sa P63 milyong sub-contract ang MMEI para sa mag-suplay ng mga materyales sa Japanese firm na Taisei-Shimizu Joint Venture (TSJV) na nakakuha ng kontrata sa pagtatayo ng New Iloilo Airport. Ayon sa Ombudsman, si Marianito R. Monteclaros, stockholder at director ng MMEI, ay lumitaw na ama ni Binky April T. Montesclaros-Tupas, na napangasawa noong 2001 ni Raul C. Tupas, anak ng gobernador. Ngunit iginiit ni Tupas Sr na wala siyang personal na kinalaman sa transaksiyon. “The records show that Gov. Tupas Sr.’s son, Raul C. Tupas, is married to the daughter of respondent Marianito Montesclaros. The daughter’s name is Ms. Binky April Monstesclaros-Tupas who is also a manager of MMEI. Because of this relationship, the Montesclaroses’ corporation, MMEI, faced the possibility of being denied a permit because of conflict of interest and it is also for this reason that Requinto became a dummy of MMEI," ayon sa resolusyon. Ayon kina Prosecution Bureau VI director Diosdado V. Calonge at assistant special prosecutor Edwin B. Gomez, ang pagpapatuloy sa kaso ni Tupas Sr ay batay sa naging desisyon ni Overall Deputy Ombudsman Orlando C. Casimiro na ibasura ang motion for reconsideration na inihain ng dating gobernador. Ang naturang resolusyon sa kaso ni Tupas Sr ay inilabas isang araw makaraang magdesisyon ang komite ni Tupas Jr., na ituloy ang pagdinig sa impeachment case laban kay Gutierrez. Sa Martes ay ipagpapatuloy ang pagdinig ng House justice committee at inaasahang dadalo si Gutierrez para magsumite ng kanyang sagot laban sa mga akusasyon na wala itong ginawa sa mga opisyal ng dating administrasyong Arroyo na inaakusahang sangkot sa katiwalian. Gantihan? Pinagdududahan naman ni Tupas Jr ang timing sa paglabas ng desisyon ng Ombudsman sa kaso ng kanyang ama na itinaon umano sa panahon na malapit na nilang desisyon sa komite ang impeachment case ni Gutierrez. “The Office of the Ombudsman denied the motion for reconsideration of my father. The timing is questionable and this could be linked on my participation in the impeachment cases against Ombudsman Gutierrez," pahayag ng nakababatang Tupas sa panayam ng media. “Maybe they are trying to get back at my family," pahabol niya. – GMA News