ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Habambuhay na pagkabilanggo, hatol sa 3 anak ng binitay na OFW na si Flor Contemplacion


Dahil sa pagtutulak umano ng ilegal na droga, hinatulan na makulong ng habambuhay ng isang korte sa Laguna ang tatlong anak ni Flor Contemplacion – ang overseas Filipino workers na binitay sa Singapore noong March 1995. Sa 14-pahinang desisyon, hinatulan ni Judge Agripino Morga ng San Pablo City Regional Trial Court Branch 32, na guilty sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002, sina Sandrex Contemplacion, 37; at kambal na sina Jon-Jon at Joel, 30. Sa panayam ng GMA News Online nitong Martes, sinabi ni Fred Alon, RTC officer-in-charge at legal researcher, pinagbabayad din ng korte ng tig-P500,000 ang magkakapatid bilang penalty. “The decision is not final yet. The convicts can appeal the decision. Actually, this is an automatic appeal," paliwanag ni Alon.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa isang ulat sa GMA news 24 Oras nitong Martes, maghahanap ng tulong ang kapatid nilang babae na si Russel Contemplacion, para gagawin nilang pag-apela sa kaso. Aminado si Russel na gumagamit ng ilegal na droga ang kanyang mga kapatid pero hindi raw nagbebenta ang ito. Naghihinanakit din siya dahil tila may dalang kamalasan sa kanilang pamilya ang buwan ng Marso. Sa buwan na ito binitay sa Singapore ang ina nilang si Flor, habang Marso 2008 ay nadakip at nakulong ang ama nila na si Efren dahil din sa kasong illegal drugs. Naging malaking balita ang pagbitay kay Flor noong 1995, na inakusahang pumatay sa kanyang alagang bata, at maging sa kababayang si Delia Maga. Umani ng batikos ang pamahalaan dahil sa akusasyon na hindi lubos na natutukan ang kaso ng OFW. Nagresulta ito sa pagbibitiw ng ilang opisyal sa Gabinete ni dating pangulong Fidel Ramos. Ang tatlong magkakapatid na Contemplacion ay nadakip noong Oktubre 2005 sa isang buy-bust operation at mula noon ay nakulong na sa San Pablo City Jail. – GMA News