ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kukuha ng kursong nursing, pinaalalahanan


MANILA – Inamin ng isang opisyal ng Department of Health na wala pa ring kakayahan ang pamahalaan na bigyan ng trabaho ang mahigit 160,000 registered nurse sa Pilipinas. Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Higher and Technical Education nitong Miyerkules, sinabi ni Ruth Padilla, Nursing Consultant ng DoH, na hanggang ngayon ay hindi pa inaaprubahan ng Department of Budget and Management ang Rationalization plan para sa mga registered nurse. Ang naturang plano na magkakaloob ng trabaho sa mga nurse ay sinimulang iminungkahi limang taon na ang nakalilipas. “The Rationalization plan’s approval would increase the plantilla positions in the different government hospitals and local government units community health centers which will likewise increase employment," paliwang ni Padilla. “We need support so that we can employ our nurses. At this point, the government cannot over-employ. Employing 160,000 nurses is impossible," idinagdag niya. Ang pagdinig ng komite ay isinagawa kaugnay sa mga naglalabasang problema sa nursing sector tulad ng mahinang kalidad ng mga pamantasan na nagkakaloob ng kursong nursing at alegasyon ng pagsasamantala ng ilang pagamutan sa mga nursing student na kailangan ng pagsasanay. Dahil sa sobrang dami ng paaralan na nagkakaloob ng kursong nursing, pero konti ang trabahong mapapasukan, sinabi ng mga kinatawan ng Philippine Nurses Association at Commission on Higher Education (CHED), na maraming registered nurse ang nagiging “volunteer" sa ospital na walang nakukuhang suweldo. Ang masaklap pa umano, may mga pagkakataon na ang mga nagboluntaryong nurse pa ang napipilitang magbayad ng P3,000 hanggang P8,000 para makapasok sa ospital at makakuha ng karanasan sa kinuha niyang propesiyon. Iginiit ng mga dumalo sa pagdinig na ang paniningil at hindi pagkakaloob ng allowance ng mga pagamutan sa mga nagboboluntaryong nurse ay paglabag sa Republic Act 9418 o the Volunteer Act of 2007. "It is okay to volunteer but to make them pay is worse than involuntarily servitude. This is worse than being a slave," deklara ni Samar Rep. Emil Ong, vice chairman ng komite. Dahil sa problemang kinakaharap ng mga nurse, pinayuhan ni Padilla ang mga nagpaplanong kumuha ng kursong nursing na huwag magpakasiguro na ito ang magiging daan nila para makapagtrabaho sa ibang bansa at makakuha ng malaking suweldo. “At first, they are willing to work [here] for experience, hoping that they will have the opportunity to work abroad. The reason that they took up nursing is they are looking for greener pasture. That is the mindset of our nursing students. But the times have changed. It is not that easy anymore to go to the US and other countries to work as a nurse," ayon kay Padilla. - GMA News
Tags: nursing, nurse