Ilang minuto pa lamang sumasapit ang Agosto 16,1976 nang biglang umurong ang tubig sa baybayin ng Moro Gulf ng Celebes Sea na sumakop sa ilang lalawigan sa Mindanao. Kasunod nito ay ang may 30 minutong pananalasa ng tsunami na kumitil sa buhay ng mahigit 5,000 katao.

Bago ang tsunami, nagkaroon din ng paglindol sa Mindanao na naramdaman partikular sa Region 9 at 12. Batay sa testimonya ng ilang nakaligtas, napansin na umurong ang tubig sa baybayin bago dumating ang malalaking alon na rumagasa kalupaan na umabot ang layo ng hanggang 700 kilometro. Kabilang sa mga lugar na naapektuhan ng tsunami ay ang South Cotabato, Sultan Kudarat, Maguindanao, Lanao del Sur, Zamboanga del Sur, Basilan, Sulu, Pagadian City, Cotabato City, at Zamboanga City. Sa nabanggit na mga lugar, pinakamaraming nasawi sa Zamboanga del Sur na umabot ang bilang sa halos 600 katao. Bukod pa rito ang mahigit 500 katao na nawala. Umabot naman sa mahigit 400 katao ang nasawi sa Pagadian City, at mahigit 200 ang nawala. Bukod sa bilang ng mga nasawi at nawala, mahigit 9,000 tao pa ang nasaktan, at mahigit 90,000 ang nawalan ng tirahan. Pinapaniwalaan na kaya marami ang nasawi sa naturang trahedya dahil naganap ito sa hatinggabi kung saan mahimbing nang natutulog ang mga naging biktima. -
FRJimenez, GMA News