ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga sangkot sa NAT test leakage sa Pangasinan, mananagot -- DepEd


BALITANG AMIANAN – Tiniyak ng isang opisyal ng Department of Education (DepEd) na mananagot ang mga responsable sa umano’y leakage sa pagsusulit sa National Achievement t Test (NAT) sa grade 6 pupils sa Mangaldan 1 Central School, sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan. Walong guro kasama ang prinsipal ng paaralan ang sumasailalim sa masusing imbestigasyon na isinasagawa ng DepEd regional office. Ayon sa Legal and Legislative Affairs ng DepEd, iniipon na ang lahat ng ebidensiya para sa pagsampa ng kasong administratibo laban sa mga akusadong responsable sa exam leakage. Sa panayam ng GMA News kay DepEd Undersecretary Alberto Muyot, dismayado ang buong ahensiya sa pangyayari sa Mangaldan Central School. Idinagdag niya na nababahala sila sa nangyaring insidente dahil taliwas ito sa kanilang isinusulong na de-kalidad na edukasyon sa bansa. Nagbigay din umano ng deklarasyon si DepEd Secretary Armand Luistro na hindi magpapabaya ang kalihim sa pangyayari. Sakaling mapatunayang nagkasala, posibleng masuspindi o matanggal sa serbisyo ang mga sangkot sa leakage depende sa bigat ng kanilang partisipasyon. Aminado si Muyot na naapektuhan ang pananaw ng publiko sa DepEd dahil sa kontrobersiya. – Balitang Amianan