ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Vizconde massacre case witness Jessica Alfaro, kinasuhan ng kampo ni Webb


MANILA – Kinasuhan sa City Prosecutor's Office ng Paranaque nitong Biyernes ng kampo ni Hubert Webb si Jessica Alfaro, ang nagsilbing “star witness" sa kasong pagpatay sa mag-iinang Vizconde na naganap noong 1991. Sa inihaing complaint-affidavit ng mga abogado ni Webb, inakusahan nila si Alfaro na nagsinungaling nang tumestigo ito sa kasong pagpatay sa mag-iinang Estrellita, Carmela at Jennifer Vizconde, na dininig sa Paranaque Regional Trial Court Branch 274. Dahil sa testimonya ni Alfaro, hinatulan ng korte noong taong 2000 na makulong ng habambuhay si Webb at anim na iba pang akusado. Ngunit sa ginawang pagrebisa ng Korte Suprema sa kaso, nagduda ang mga mahistrado sa mga testimonya ni Alfaro at binaliktad ang hatol ng Paranaque RTC, na naging daan para makalaya ang grupo ni Webb noong Disyembre 2010. "Jessica cannot just offer false testimony in court which sent seven men to jail and get away with it scot-free. Until now, she has not shown any sign of remorse. She should, therefore, be held fully accountable for what she did," nakasaad sa isang pahayag ni Webb. Ayon kay Zenaida Ongkiko-Acorda, abogado ni Webb, may parusang nakalaan sa mga nagbibigay ng maling testimonya alinsunod sa nakasaad sa Article 180 ng Revised Penal Code. "The complaint-affidavit stated that Jessica Alfaro offered false testimony in several instances and lied several times under oath," pahayag ni Ongkiko-Acorda. Dagdag pa ng abogado, ang pinakamalalang kasinungalingan na ginawa umano ni Alfaro ay nang sabihin nito na nakita niyang ginahasa ni Webb si Carmela. Taliwas umano ito sa affidavit na ginawa rin ni Alfaro noong Abril 1995 kung saan inamin daw nito na hindi niya nasaksihan ang masaker. "She also lied when she said that she knew Hubert Webb, as in fact NBI [National Bureau of Investigation agent Mark So testified that she had to be coached... before she was able to identify Hubert in court," ayon pa kay Ongkiko-Acorda. Si Alfaro, isinailalim noon sa witness protection program ng Department of Justice, ay sinasabing naninirahan na sa ibang bansa matapos mahatulan noon ang mga akusado sa Vizconde massacre case. - GMA News