ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
CBCP bukas pa ring makipagdiyalogo sa Palasyo tungkol sa RH bill
MANILA â Inihayag ng lider ng maimpluwensiyang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na bukas pa rin ang kanilang organisasyon para makipag-usap sa Malacanang tungkol sa kontrobersiyal na Reproductive Health bill na nakabinbin sa Kongreso. Ayon kay Tandag Bishop Nereo Odchimar, presidente ng CBCP, ipinaalam niya sa Malacanang na pinapanatili nila sa ngayon ang moratorium tungkol sa RH bill. Idinagdag ng Obispo na ang Permanent Council ng CBCP ang magdedesisyon kung itutuloy o hindi pakikipag-ugnayan sa Malacanang. Inamin ni Odchimar sa panayam ng Radyo Veritas nitong Miyerkules, na marami pa silang kailangang gawin para maipaunawa sa mga mambabatas ang kahalagahan ng buhay. âWe have some leg works; we have to convince some undecided legislators about the legitimacy and morality of our position. As a matter of fact, it will not only be here in Manila. We will have rallies in different places," ayon sa lider ng CBCP. Bukod sa malaking prayer rally sa Quirino Grandstand sa Luneta, Manila sa Marso 25, mayroon din umanong pagtitipon na gaganapin sa Mindanao kontra sa RH bill. Umaasa si Odchimar na sa gagawing prayer rally sa Luneta ay malilinawagan ang mga mamamayan at mga mambabatas sa posisyon ng Simbahang Katoliko kontra sa RH bill para protektahan ang kasagraduhan ng buhay. âWe will strengthen our position and the people will be enlightened, particularly our legislators about the agenda of life and the teaching of the Catholic Church. We would also invite other religious denominations to share our idea, our position on the sanctity of human life," pahayag niya. Naninindigan si Odchimar na nagsisimula ang buhay sa âfertilization," at ang anumang pagtatangka na pigilin ito ay maituturing na abortion. Nauna rito, nananawagan si Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales sa mga nagpapahalaga sa buhay na makilahok sa pagtitipon sa Luneta sa Marso 25. - GMA News
More Videos
Most Popular