Mandirigma ng rebolusyon na naging gobernador
Kilala niyo ba kung sino ang Pinoy na heneral na kasamang nag-aklas laban sa pananakop ng mga dayuhan sa Pilipinas na naging gobernador ng isang lalawigan matapos ang digmaan? Isinilang sa lalawigan ng Camarines Norte noong 1860, si Heneral Vicente Lukban, ay naging gobernador ng lalawigan ng Tayabas (Quezon na ngayon) noong 1912. Muli siyang kumandidato ay nahalal na gobernador noong 1916 pero hindi na niya natapos ang ikalawang termino dahil binawian na siya ng buhay sanhi ng karamdaman. At sa kanyang pagpanaw, ipinangalan sa kanya ang isang bayan sa Quezon (ang Lukban) dahil sa kanyang kabayanihan at katapangan para sa kalayaan ng bayan. Taong 1894 nang maging Mason si Lukban at makilala sa pangalan na 'Luz del Oriente' (Light of the Orient). Kasama si Juan Miguel, itinatag nina Lukban ang Masonic Lodge Bicol sa Camarines Sur. Setyembre 1896 nang unang makulong si Lukban nang dakpin siya ng mga sundalong Kastila dahil sa hinalang sinusuportahan niya ang kilusan ng mga rebolusyunaryo laban sa Espanya. Walong buwan matapos na makulong, kasama ang ibang bihag ay pinalaya si Lukban sa bisa ng amnestiya ng gobernador-heneral. Matapos makalaya, pormal ng umanib si Lukban sa rebolusyon at binigyan siya ni Emilio Aguinaldo ng mga mahahalagang tungkulin sa kilusan. Sa pakikipaglaban kontra na sa pananakop ng Amerika, itinalaga ni Aguinaldo si Lukban sa Camarines at Catanduanes bilang koronel. Naging heneral siya nang pamunuan ang tropa ng mga rebolusyunaryo sa Samar at Leyte. Ilang taon na nagdulot ng matinding sakit ng ulo sa tropang Amerikano ang grupo ni Lukban, hanggang sa madakip siya at makulong 1902. Ngunit ilang buwan lamang ay nakalaya rin siya matapos ideklara ang pagtatapos ng digmaan ng Pilipinas at Amerika nang taong din iyon. - FRJImenez, GMA News