ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sekreto sa ginawang pagtatago, dadalhin ni Lacson sa hukay


MANILA – Walang balak si Senador Panfilo Lacson na isiwalat ang detalye ng ginawa niyang pagtatago ng mahigit isang taon kaya nakaiwas sa pagkakakulong kaugnay sa double murder case na ibinibintang sa kanya. Sa isang panayam nitong Martes, sinabi ni Lacson na dadalhin na lamang niya sa hukay ang mga sekreto sa ginawa niyang pagtatago simula noong Enero 2010 ilang araw bago magpalabas ng arrest warrant ang Manila court laban sa senador kaugnay sa pagkamatay nina Salvador Dacer at Emmanuel Corbito. “Ipagpatawad mo di ako makakumento tungkol kung saan ako nanggaling dahil naipangako ko sa sarili ko at sa mga tumulong sa ating kababayan na dadalhin ko na sa aking hukay ang sikretong ginawa nilang pagtulong sa akin," pahayag ni Lacson sa panayam ng dwIZ radio. Humarap si Lacson sa media nitong Lunes ilang araw matapos magpalabas ng desisyon ng Court of Appeals na nagpapawalang-bisa sa arrest warrant na ipinalabas ng mababang korte sa Maynila laban sa kanya. Sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag, sinabi ng senador na nagtago siya sa ibang bansa. Sa panahon ng pagtatago, sinabi ng senador na marami siyang natutunan tulad ng pagluluto at paglilinis ng bahay upang pakisamahan ang mga taong tumulong sa kanya sa tagtatago. Kahit hindi nadakip, nagpahiwatig ng sama ng loob si Lacson sa pamahalaan, partikular sa Department of Justice dahil sa hindi umano patas na pagdinig sa kanyang kaso.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Dapat ipaliwanag ni Ping Iginiit naman ni DOJ Secretary Leila de Lima na dapat ipaliwanag ni Lacson sa publiko kung saan siya nagtago sa loob ng 14 na buwan, na naging dahilan kaya hindi nito nagampanan ang kanyang tungkuling bilang mambabatas. Nais din umano ng kalihim na matukoy ang mga taong tumulong sa pagtatago ni Lacson para makasuhan. Ngunit itinuturing ni Lacson na, “taking the fruit of the poisoned tree" kung isisiwalat niya ang mga sekreto sa ginawa niyang pagtatago. “Meron tayong tinatawag na fruit of the poisoned tree. Dahil lumabas ang decision at nawalang bisa ang arrest warrant at sabi ng Court of Appeals, walang basehan ang probable cause findings ng lower court, ‘di na siguro mahalaga na (alamin) pa ang mga taong nag-aruga sa akin. Para ano para habulin sila? At wala naman sapat na basehan ngayon na ito ay ituloy ang pag-imbestiga sa kanila," ayon sa senador. Idinagdag ni Lacson na mas makabubuting tanungin na lamang ng DOJ ang mga ahensiyang inatasang tumugis sa kanya kung bakit hindi siya nahuli. “Ang masasabi ko lang diyan, ‘di ba dapat tanungin ng DOJ ang law enforcement agencies na naatasan maghanap? Sila mag-render ng report kung saan nanggaling at ‘di mismong taong hinahanap nila at kunan ng information kung saan nanggaling. Ewan ko, parang ‘di ata tama ‘yan," ayon kay Lacson. – GMA News