ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga akusado sa Maguidanao massacre, nais matiyak na nakapiit


MANILA – Nais ng kamag-anak ng mga biktima sa Maguindanao massacre na matiyak na nasa loob ng Quezon City Jail Annex building sa Taguig City ang mga akusado sa naturang krimen. Sa panayam ng media nitong Huwebes, sinabi ni Atty Harry Roque, private prosecutor na kumakatawan sa 14 sa 32 mamamahayag na kasamang nasawi sa masaker, na nagdududa ang kanyang mga kliyente kung talagang nakapiit ang mga akusado lalo na ang mga Ampatuan. Dahil dito, umapela sila kay Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na payagan ang kamag-anak ng mga biktima ng masaker na mabisita ang kulungan sa Taguig para makita ang kalagayan ng mga akusado. "We have no personal knowledge that they are not here. But we also do not have personal knowledge that they are here. So we want to personally visit their detention cells. Ni anino nila, hindi pa namin nakikita," ayon kay Roque. Sa mga nakaraang pagdinig ng korte sa kaso na ginagawa sa Camp Bagong Diwa, (na kinaroroonan din ng annex building ng QC jail), pinapadalo ang mga akusado na kinabibilangan ni Andal Ampatuan Jr, ilang pulis, at militiamen. Nitong Huwebes, walang akusado na pinaharap sa korte, at sa halip ay pinanatili lang sila sa kanilang selda sa harap na rin ng impormasyon na may nais manggulo umano sa paglilitis. Bukod kay Andal, akusado rin sa kaso pero hindi pa humaharap sa pagdinig ang kapatid niyang si Zaldy at ama nilang si Andal Sr. Sinabi ni Roque na susulat sila kay Robredo para hilingin na makakuha sila permiso sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), para makita ang mga akusado sa piitan. Nais din ni Justice Undersecretary Francisco Baraan III na matiyak kung nasa loob ng kulungan ang mga akusado. "Eventually, they will have to show up in court because we are about to present new and additional eye witnesses and they will be identified, so Unsay and the others really need to appear," ayon sa opisyal. Una rito, sinabi ng kampo ng tagausig na nakatanggap sila ng impormasyon na binibigyan ng special treatment ang mga akusado sa loob ng piitan. Pinabulanan naman ng BJMP ang alegasyon at ipiliwanag na regular na nagpapalit ng bantay sa selda para maiwasan na maging palagay ang mga ito sa mga akusado. Nitong Huwebes, dalawa pang akusado sa masaker – sina Senior Police Officer 2 (SPO2) Badawi Bakal at militiaman Nasser Esmael – ang binasahan ng sakdal. Kapwa naghain ng not guilty plea ang dalawa sa 57 counts of murder na isinampa laban sa kanila kaugnay sa naganap na November 23, 2009 massacre sa Ampatuan, Maguindanao. - Mark Merueñas, GMA News