ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Burak na naipon sa Angat Dam ipinaaalis ngayong tag-init
MALOLOS CITY â Habang panahon ng tag-init, hiniling ni Bulacan governor Wilhelmino Alvarado na magsagawa ng desilting operation o pag-alis ng burak sa Angat Dam upang mapalalim at maparami ang naiimbak na tubig dito pagdating ng panahon ng tag-ulan. Isinisi ng gobernador ang pagkapal ng burak sa ilalim ng dam dahil sa patuloy na pagkakalbo ng kabundukan sa paligid nito sanhi ng hindi mapigil na pagputol ng mga puno sa paligid ng dam. âSa Ipo Dam, mahigit 50 porsiyento o katumbas ng 3,000 ektarya ng mga puno ang pinutol, sa Angat Dam naman ay mahigit 20 porsiyento o katumbas ng 11,000 ektarya, dalawang beses na malaki sa Angat watershed. That is the reason why Angat Dam and Ipo Dam are silted, ang mga burak ang sumisipsip sa tubig," paliwanag ni Alvarado. Pero naniniwala ang mga opisyal ng National Power Corporation (Napocor), na namamahala sa dam na hindi pa kailangan ang desilting operation dahil hindi lumulubog sa burak ang mga tunnel nito. Sa Angat dam nagmumula ang malaking bahagi ng tubig na iniinom ng mga residente sa Metro Manila at patubig sa mga magsasaka sa Bulacan, at maging sa Pampanga. Batay sa unang pahayag ni Engineer Rodolfo German, general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (Arhepp) ng Napocor, umaabot sa kalahating metro ng burak ang nadadagdag sa dam bawat taon. âHalf meter ang average siltation every year, kaya kung 43 years ang dam, nasa 21 meters deep na ang siltation, pero hindi pa rin problema iyon," paliwanag ni German. Idinagdag naman ni Engineer Froilan Tampincom, pangulo ng Napocor, na natatangay naman ang mga burak sa ilalim ng dam kapag malakas ang ulan. Wala umanong dapat ikabahala ang publiko dahil hindi pa naaabot ng burak ang mga bunganga ng tunnel na dinadaluyan ng tubig palabas ng dam. Magkaiba man ang pananaw tungkol sa naiipong burak sa dam, nagkakaisa naman sina Alvarado at Tampinco na dapat apurahin ang pag-aaral sa katatagan ng Angat dam dahil na rin sa ulat na nakapuwesto ito sa Marikina West Valley fault line. Nauna nang nanawagan si Senador Miguel Zubiri na magsagawa ng mabilis na pag-aaral sa katatagan ng dam laban sa malakas na lindol bunga na rin ng mga nagaganap na lindol sa maraming bansa. Naniniwala ang senador na makaiiwas sa malaking pinsala ang Bulacan kung malalaman kung gaano katatag ang dam at kung tunay na nakapuwesto ito sa fault line. Nagbabala noon ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang Bulacan ang unang mapipinsala kapag nawasak ng lindol ang dam. Pero maliban sa pinsala sa Bulacan, sinabi nina Alvarado at Zubiri kapag nawasak ang dam ay tiyak din na maapektuhin ng lubos ang mga residente ng Metro Manila na umaasa ng tubig mula sa dam. - GMA News
More Videos
Most Popular