ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Birheng Maria, nagpakita raw sa salamin ng bintana


BALITANG AMIANAN – Nakita umano ang imahe ng Birheng Maria sa salamin ng bintana sa bahay ng isang ginang sa bayan ng Agoo, La Union. Ayon kay Gina Samonte, residente ng Brgy Balwarte, Agoo, pipunasan niya ang alikabok sa salamin ng bintana nang makita niya ang hugis o imahe ng Birheng Maria. “Nang pinunasan kung ganun parang may nakita akong ilawilaw lang muna. Tapos nang inulit ko na nakita ko tapos yung balahibo ko tumaas na yung balahibo ko. Naku!, sabi ko parang image ni Mama Mary," kuwento ni Samonte. Kaagad daw tinawag ni Samonte ang kanyang kapatid at mga kapitbahay. Pero ang kapitbahay na si Lilia Soriano, hindi lang umano ang imahe ni Mama Mary ang nakita sa salamin ng bintana. “Tiningnan ko po yung image ako’y nangilabot. Unang pagkakita ko iba-ibang images eh, merong Sacred Heart tapos meron pa yung Christ the King na nakaupo siya. So dun ako naniwala tapos meron pa yung ‘I Trust In You,’ yung sa alas-tres yun ang nakita ko," ayon kay Soriano. Tuwing alas-tres ng hapon ay sama-samang nagdadasal ang mga magkakapit bahay. Marami na rin ang mga dumadayo sa lugar at pinupunasan ang imaheng umano’y may dalang milagro. Ang iba naman ay nag-aalay ng langis at tubig sa paniniwalang makakagamot ng sakit. May iba’t ibang pakahulugan naman ang mga tao tungkol dito. “Siguro ang pagkakaalam ko parang may pahiwatig po ba ganun kasi ho marami ng mga sakunang nangyayari. Siguro yung mga tao marami na kasing hindi naniniwala, yung mga tao nakakalimutan ng magdasal kagaya ko. Hindi rin ako palasimba siguro po suwerte dahil dito rin sa bahay nagpakita," ayon kay Samonte. “Sa akin po eh something miracle parang siguro pagbabago kasi marami nang nakakalimot sa Kanya. Compare mo na lang mga nangyayari dito all over the world," pahayag naman ng isang kapitbahay. Inihayag naman ng Simbahang Katoliko na mag-iimbestiga at pag-aaralan muna ang katotohanan sa likod ng sinasabing pagmimilagro ni Birheng Maria sa salamin ng bintana. Milagrosong tubig sa Manaoag Samantala sa Manaoag, Pangasinan, bitbit ang kanilang mga lalagyan, kanya-kanyang pila na ang mga deboto sa tubig-bukal sa Pugaro, Manaoag sa lalawigan ng Pangasinan. Si Aling Purita Yabes na galing pa sa Camiling Tarlac, taon-taon daw na dumarayo sa Virgin’s Well of Our Lady of Manaoag. “Nakapagpapagaling ng karamdaman, siyempre kanya-kanyang paniniwala," ayon kay Aling Purita. Ang ilan namang mga deboto, kung hindi man timba, malaking galon ang bitbit o kahit anong malinis na sisidlan makapagdala lamang ng pinapaniwalaang milagrosong tubig. Sinasabing ang tubig mula sa bukal ay pinaniniwalaang nakagagamot ng karamdaman. Pero nakadepende umano ang paghilom ng karamdaman o sugat sa matatag na pananampalataya sa Maykapal. – Balitang Amianan