ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Walang masama sa paggamit ni Pacman ng 'yellow gloves' -- Villar


MANILA – Inihayag ni Sen Manny Villar na hindi dapat gawing isyu ang paggamit ni Saranggani Rep. Manny Pacquiao ng dilaw na gloves sa naging laban nito kay Shane Mosley sa Las Vegas noong Linggo. Ayon kay Villar, presidente ng Nacionalista Party, walang masama kung magpakita ng suporta ang kapartido niyang si Pacquiao sa administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, lider ng kalaban nitong partido na Liberal Party. “Di naman (umalis ng NP si Pacquiao), sumusuporta lang siya. Siyempre, presidente na si Aquino, dapat suportahan. Katunayan, sinabihan ko rin ang ilang kasamahan sa partido na suportahan namin si Pangulong Aquino," paliwanag ni Villar. Dilaw ang ginamit na kulay ng LP sa nakaraang panguluhang halalan kung saan nagwagi si Aquino kontra kay Villar -- na gumamit naman ng kulay kahel (orange) sa kanyang kampanya. Idinagdag ni Villar na dumadalo pa rin si Pacquiao sa regular na pulong ng NP kung saan pinag-uusapan ang mga bagay na may kinalaman sa kanilang miyembro at mga agenda, kabilang na ang paghahanda sa susunod na halalan. “Akala nga namin lumipat na, pero nang dumating siya sa aming regular na meeting ng partido, dumalo siya at nagsabing hindi siya lilipat bagkus susuportahan lamang niya ang Pangulong Aquino," paliwanag ng lider ng NP. Alyansa sa 2013 Inihayag din ni Villar ang posibilidad na makipag-alyansa ang NP sa ibang partido para sa 2013 mid-term elections upang makabuo ng kompletong bilang ng kanilang mga magiging kandidato lalo na sa Senado. Aminado ang senador na hindi kakayanin ng NP na makapaglagay ng kompletong 12 kandidato sa senatorial race dahil ilan sa kanilang mga pambato ay hindi pa husto sa edad para tumakbong senador. “Kung sapat na sana ang edad ni Mark (Las Pinas Rep. Villar), sana patakbuhin ko na siya. Si Pacquaio naman di pa rin husto ang edad," ayon kay Villar. Isinilang si Pacquaio noong Disyembre 17, 1978, kaya 34-anyos pa lamang siya pagsapit ng May 2013 elections – kulang ng pitong buwan para sa itinatakdang 35-anyos na edad sa Konstitusyon para sa mga senatorial candidate. Maliban kay re-electionist Sen Alan Peter Cayetano, kinokonsiderang patakbuhin ng NP sa senatorial elections sina Camarines Sur Gov. Luis Rey Villafuerte Jr., at Cavite Rep. Boying Remulla. Ang partidong LABAN ni Sen Edgardo Angara ang isa sa mga lapian na posible umanong makipag-alyansa ang NP, ayon kay Villar. - GMA News