ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tapat na janitress sa isang mall, pinarangalan at baka ma-promote pa sa trabaho


BALIUAG, Bulacan – Dahil hindi nagpasilaw sa napulot na pitaka na may lamang pera, sinuklian ng parangalan at biyaya ang katapatan ng janitress sa isang mall sa bayang ito. Kahit mag-isa lamang kumakayod para sa dalawa niyang anak, hindi pinag-interesan ni Verna Santa Quirante, 29-anyos, ang napulot na pitaka sa comfort room ng SM City Supermall (Baliuag) na naglalaman ng P23,000. Si Quirante ay empleyado ng Job Clean Manpower Services, at nagtatrabaho bilang janitress sa nabanggit na mall. Nang mapulot ang pitaka, kaagad niya itong ibinigay sa Customer Relations Service Office. Naisauli naman sa may-ari ang pitaka na nakilalang si Yolanda Gasque, residente ng Brgy. Sta. Barbara, Baliuag. Dahil sa katapatan, tumanggap ng certificate of recognition, at cash incentive si Quirante. Pinag-aaralan na rin ng kanyang ahensiya na bigyan siya ng promosyon. Labis naman ang pasasalamat ni Gasque kay Quirante. Naiwan umano niya ang pitaka dahil sa kanyang pagmamadali. Sinabi ni Cluadio Magrimbao, may ari ng agency, pinag-uusapan na nila ng kanyang mga supervisor ang promosyon na ibibigay kay Quirante. Hindi naman ikinagulat ni Gerardo Eclipse, isa sa mga supervisor ng agency, ang ipinakitang katapatan ni Quirante. Sinabi nito na noon pa man ay kinakitaan na nila si Quirante ng pagiging masipag at matiyaga sa kanyang trabaho. Noong 2009, pinarangalan din ang isang security ng mall na si Trinidad Quintana dahil naman sa pagsasauli ng bag na napulot sa loob ng mall na may lamang P2.3 milyon. - GMA News

Tags: honesty, awards