ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga daga hina-hunting sa 16 na bayan sa lalawigan ng Bulacan


MALOLOS CITY — Nagdeklara ng digmaan sa mga daga ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan dahil sa pinsalang idinudulot nila sa mga pananim na sinasabing nakaapekto na sa 16 na bayan. Batay sa ulat ni Gloria Carillo, provincial agriculturist ng Bulacan, mula sa isang porsiyento na karaniwang pinsala na idinudulot ng daga sa isang bayan, mula noong Setyembre 2010 ay tumaas umano ito sa limang hanggang 20 porsyento. Pinakamatinding sinalakay ng mga daga ang bayan umano ng San Ildefonso kung saan umakyat sa 45 porsyento ang pananalasa ng mga itinuturing peste sa mga taniman. Apektado rin umano ng mga daga ang mga taniman sa mga bayan Bulacan, Hagonoy, Calumpit, Pulilan , Paombong, Bocaue, Balagtas, Guiguinto, Plaridel, Pulilan, Baliuag, Pandi, Bustos, San Rafael, San Miguel, at Malolos. Mula noong Setyembre, tinatayang aabot na umano sa P2 milyon ang halaga ng mga pananim na pininsala ng mga daga sa bawat nabanggit na bayan. Nitong Martes, pinangunahan ni Bulacan Gov. Willy Alvarado ang paglulunsad ng kampanya laban sa mga daga sa ilang barangay sa Pulilan at Baliuag. Sinabi ni Cristina Geronimo, agricultural technician, bahagi ng kampanya ng lalawigan kontra sa mga daga ang pagkakaloob ng P5 pabuya sa bawat mapapatay na "peste." Isang palatandaan kung gaano kalala umano ang problema sa daga at kung gaano naman kaepektibo ang paglalaan ng pabuya, ay ang pagpresinta ng isang magsasaka mula sa Pulilan ng 390 buntot ng daga na kanyang napatay. Kasama rin sa kampanya laban sa mga daga ang nagpapahiram ng kapitolyo ng mga flame thrower na maaaring gamitin ng mga magsasaka para mapalabas sa lungga ang mga daga. Dagdag pa ni Geronimo, lubhang mabilis magparami ang mga daga kaya kailangan ang agarang aksiyon para mabawasan ang kanilang populasyon. - GMA News

Tags: rats, pests, bulacan