ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Pichay, sinuspindi ng Ombudsman ng 6 na buwan na walang sahod
MANILA -- Sinuspindi ng Office of the Ombudsman nitong Biyernes si Prospero Pichay, chairperson ng board of trustees ng Local Water Utilities Administration (LWUA), dahil sa alegasyon ng maling paggamit ng pondo ng ahensiya. Sa 10-pahinang kautusan, inilagay ni acting Ombudsman Casimiro si Pichay sa six-month preventive suspension without pay, dahil sa ilegal na paglalagay nito ng P780 milyong puhunan gamit ang pondo ng LWUA sa thrift bank na Express Savings Bank Inc. (EXSBI), na nakabase sa Laguna. "(It is) imperative on the part of the Office of the Ombudsman to immediately place him under preventive suspension, as the need for precautionary measures against possible abuse of the prerogatives of his office may escalate under the circumstances," nakasaad sa kautusan. Ayon kay Casimiro, ang ginawang pagsuspindi kay Pichay ay batay sa inihaing reklamo ng mga opisyal ng LWUA laban sa huli at sa iba pang trustees. Sa naturang reklamo, inakusahan si Pichay at iba pang akusado na nilabag ang probisyon ng âGeneral Appropriations Act (GAA) for Fiscal Year 2009," nang gamitin nila ang pondo ng LWUA para magpasok ng P780,000,000.00 puhunan sa EXSBI. Labag umano sa batas ang ginawang pagbayad ng mga trustee ng LWUA ng P4 milyon para maitaas ang authorized capital stock ng EXSBI, na sumasailalim sa rehabilitasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Bukod dito, nilabag din umano ng mga akusado ang BSP Circular No. 309 dahil walang pahintulot ng Monetary Board ang pagbebenta at paglipat ng mga sapi bago ang paggamit ng pondo ng LWUA. Dahil sa ginawang hakbang ng mga trustee, nakuha ng LWUA ang 20 porsiyentong kontrol sa voting stock ng EXSBI. Hindi naman sinuspindi ng Ombudsman ang iba pang trustees dahil wala umanong katibayan na nagpapakita na may partisipasyon sila sa ipinalabas na resolusyon kaugnay sa paggamit ng pondo ng LWUA sa EXSBI. Sa counter-affidavit na isinumite ni Pichay sa Department of Justice (DOJ), iginiit niya na walang ilegal sa ginawang paglalagay ng puhunan sa naturang bangko. Ang LWUA ay kabilang sa mga government-owned and -controlled corporation. - GMA News
More Videos
Most Popular