ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mommy Dionisia, kinastigo ng mga bakla dahil daw sa 'homophobic' remarks


MANILA – Kinastigo ng isang grupo ng mga bakla at transgender ang ina ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao, na si Mommy Dionisia dahil sa umano’y nakakainsultong pahayag na binitiwan ng huli na may kaugnayan sa kontrobersiyal na Reproductive Health bill. Sa isang pahayag nitong Sabado, sinabi ni Goya Candelario, tagapagsalita ng Progressive Organization of Gays (ProGay Philippines), na labis na nasaktan ang mga katulad niyang bakla sa naging pahayag ni Mommy Dionisia tungkol sa pag-inom ng ilang bakla ng pills para lumaki ang dibdib. Ayon kay Candelario, ang naging pahayag ng ina ni Pacquiao ay bumuhay muli sa “transphobia" at “homophobia" sa larangan ng medisina. "With all due respect, we want Mommy Dionisia to know that we are deeply offended and scared that her words can again revive the disease model of homosexuality and transexuality in Philippine society," pahayag ni Candelario. "Many of us have to take some form of female hormones because our livelihoods in the beauty and tourism industries depend on enhanced feminine features. However, because of expensive hormones that only high-income transgenders can afford, we urban and rural poor gays and transgenders can only access the cheaper birth control pills," paliwanag nito. Nag-ugat ang usapin sa ginawang pagpuna ni Sen Miriam Defensor-Santiago sa naging posisyon ni Rep. Pacquiao na kumukontra sa isinusulong na RH bill sa Kongreso. Sinabi ni Santiago na hindi umano dapat makihalo si Pacquiao sa usapin ng RH bill, at nagbiro pa ito na magsuntukan na lang sila ng Pinoy boxing champion. Bilang ina, ipinagtanggol ni Mommy Dionisia si Pacquiao laban sa mga naging pahayag ni Santiago, at ipinahayag din ang pagkontra sa kontrobersiyal na panukalang batas. "Huwag niya maliitin ang anak ko—congressman, e. Maraming malaking ano, pero walang respeto. Huwag ang anak ko ang pakialaman ninyo. Yung malaswa ang gusto ko na pakialaman ninyo," pahayag ni Mommy Dionisia. "Tingnan mo, mga bakla, kaiinom ng pills...Hindi na bagay inumin ng mga bakla kasi lalake sila.Ginagawa sila ng Diyos na lalake, umiinom talaga sila ng pills para magsilaki ang dede, bawal 'yan," dagdag pa ng tinaguriang PacMom. Ayon kay Candelario, buo pa rin ang respeto nila kay Mommy Dionisia pero nais nilang ipaalam na nasaktan ang mga bakla sa naging pahayag nito. "We should work to remove discrimination and homophobia in health care services for LGBTs, because the World Health Organization has already declared in 1990 that homosexuality is not a mental illness," pahayag ni Candelario. “Therefore, we ask people like Ms. Pacquiao to join us bakla, gays and transgenders in improving our health awareness, and not with hurtful words," pahabol niya. - FRJimenez, GMA News