ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Isla sa ‘Pinas na may sariling pera


Alam niyo ba na mayroong isla sa Pilipinas na binigyan noon ng sariling uri ng pera ang mga naninirahan, at ang pera ay hindi nila pwedeng ilabas ng isla. Taong 1902 nang simulang ilipat sa isla ng Culion sa lalawigan ng Palawan, ang mga taong may leprosy o ketong sa Pililipinas. Ang Culion ang naging sentro ng pagsusuri ng mga dalubhasa sa medisina upang makahanap ng lunas sa ketong, na noong panahon iyon ay inaakalang mabilis na nakakahawa sa tao. Dahil sa takot na kumalat pa ang sakit sa labas ng Culion, nagdesisyon ang pamahalaan (sa rekomendasyon na rin ng Commonwealth Bureau of Health), na isyuhan ng sariling pera ang mga “itinapon" sa isla simula noong 1913. Ang ipinalabas na pera na karaniwan ay mga coins, ay nagkakahalaga na mula kalahating sentimo hanggang piso. Samantala, ang papel na pera ay nasa porma ng emergency war script na iniisyu rin ng Commonwealth Bureau of Health. Ang naturang pera na tinawag din na “Leper Money" ay hindi maaaring ilabas sa isla, at wala ring tumatanggap sa labas ng isla dahil na rin sa pangamba na pagmulan ito ng pagkahawa ng sakit. Ang Culion ay idineklarang munisipalidad noong 1992, at kasunod nito ay ang pagdeklarang “leprosy free" na ang isla. - FRJimenez, GMA News

Tags: pinoytrivia