Mga dormitory at boarding houses sa Dagupan City, planong lagyan ng CCTV camera!
Halos tabi-tabi ang mga gusali ng dormitoryo at boarding houses sa Lungsod ng Dagupan na pwedeng rentahan ng mga estudyanteng papasok sa mga kolehiyo at unibersidad sa darating na pasukan. Ang ilan, kumpleto pa sa gamit ang mga silid gaya ng higaan, cabinet at electric fan, pero wala silang nakatalagang mga gwardya para magmatyag sa seguridad ng mga mangungupahang estudyante. Kaya naman, panukala ng Dagupan PNP na i-require ang paglalagay ng mga CCTV camera sa mga dormitoryo at boarding houses sa lungsod para maiwasan ang nakawan sa mga gusali. Bukod sa CCTV na ilalagay sa labas ng gusali, mainam din umanong maglagay nito sa mga hagdan at sa mga hallway ng dormitoryo na kadalasang dinadaanan ng tao. Malaking tulong umano ito lalo na sa mga ladies dormitory kung saan bawal ang pagtanggal ng mga bisitang lalaki. Dagdag pa ni P/Supt. Romeo Caramat, hepe ng pulisya, mahalaga rin daw ang paglalagay ng CCTV camera sa mga boarding houses para malaman kung sinu-sino ang pumapasok dito. Hindi naman ito sinang-ayunan ni Dagupan City Vice Mayor Belen Fernandez dahil mahirap daw itong ipanukala. "Nakapagpass na kami ng resolution, dalawa para sa mga dagdag na kapulisan na mag-iikot. May budget doon pero mahirap kung CCTV dahil prerogative ng mga owners". Sang-ayon naman ang ilang mga nakausap naming may-ari ng dormitoryo sa panukala na paglalagay ng CCTV camera dahil makakatulong ito pag-iwas sa anumang krimen. --Glamorfe L. Calicdan