Brigada Eskwela, pormal nang nagsimula ngayong araw!
Naabutan ng GMANews ang mga magulang at guro ng East Central Elementary School sa Dagupan City na abalang-abala sa paglilinis sa unang araw ng Brigada Eskwela. Taunang aktibidad ito ng Department of Education na ginagawa ilang linggo bago ganap na magsimula ang klase sa mga pampublikong paaralan. Katuwang ng Kagawaran ng Edukasyon sa programang ito ang komunidad bilang paghahanda na rin sa nalalapit na pasukan sa Hunyo. Bagamat may kainitan ang panahon, hindi ito inalintana ng mga magulang na nagmamalasakit sa mga pasilidad na gagamitin ng kanilang mga anak sa paaralan. Ang mga magulang ng mga mag-aaral sa ECES, naiintindihan nila ang layunin ng programa. Katunayan, masigasig nilang nilinisan mula sa silid aralan. Matiyagang inalis maging ang mga naipong alikabok at dumi sa mga silya at ilang gamit. Napahanga naman kami sa isang magulang na nakilala namin sa pangalang Mang Raffy. Sa kabila kasi ng kanyang pagiging pipi, buo ang kanyang loob na tumulong sa paglilinis. Matiyaga siyang naghakot ng buhangin para sa classroom elevation. Kailangan daw ito para maibsan ng bahagya ang pagbaha na nararanasan sa lugar taun-taon. Umaasa ngayon ang pamunuan ng paaralan kasama ng mga mag-aaral at mga magulang sa ECES na madadagdagan ang mga stakeholders na tutulong sa kanilang paaralan. Masaya at nagpasalamat naman si East Central Elementary School Principal Isabelita Daroya sa mga tumulong at patuloy pang tutulong sa pagsasaayos ng kanilang paaralan. --Glamorfe L. Calicdan