ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kahit nagkasakit: Miriam pinakamaraming panukalang batas na inihain sa Senado


MANILA – Kahit nagkasakit at naging dahilan para magbakasyon siya sa Senado ng ilang buwan, si Sen Miriam Defensor-Santiago pa rin ang nakapagtala ng pinakamaraming panukalang batas na naihain sa kapulungan. Sa talaan sa Senado, nakapaghain si Santiago ng 882 panukalang batas, higit na marami sa pinagsama-samang panukalang batas na inihain ng mga senador na kaalyado ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Ayon kay Santiago, kahit nagkasakit siya ng hypothyroidism, patuloy ang paghahain niya ng mga panukalang batas sa tulong na rin ng kanyang mga empleyado at researcher. Ang mga senador na kaalyado ng administrasyon, umabot lang sa 293 bills ang naihain. Kabilang dito sina Sens. Franklin Drilon (45), Teofisto Guingona III (40), Francis Pangilinan (43), Ralph Recto (11) at Francis Escudero, (154). Sinabi ni Santiago na dapat malaman ng publiko na ang paggawa ng mga panukalang batas ang pangunahing tungkulin ng mga mambabatas at hindi ang mag-imbestiga. “A public hearing on a controversial issue generates a lot of publicity, but usually the result is merely a recommendation to the Ombudsman. By contrast, internet research is very quiet and solitary, but one bill could make a difference in the lives of people," paliwanag nito. Sumunod kay Santiago sa listahan ng pinakamaraming panukalang naihain ay sina Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada, 581; Sen. Manny Villar, 539. at Sen. Antonio Trillanes, 394. Nasa listahan din sina Sens. Lito Lapid, 239; Ramon Revilla, 150; Loren Legarda, 198; Edgardo Angara, 117; Juan Miguel Zubiri, 90; Pia Cayetano 74; Sen. Vicente Sotto, 45; Senate President Juan Ponce Enrile, 40; Ferdinand Marcos, 39; Gregorio Honasan, 34; Serge Osmeña, 33; Panfilo Lacson, 31; Alan Peter Cayetano, 20; at Joker Arroyo, 23. Idinepensa rin ni Santiago ang inihain niyang panukalang batas na “pay-to-stay: program," sa kulungan na umani ng maling interpretasyon umano mula sa ilang kritiko. Iginiit ng senador na inihain niya ang panukala para matulungan ang pamahalaan sa paghahanap ng pondo para tustusan ang pangangailangan sa mga piitan. “The country needs nationwide penal reform. As usual there is no money. The ‘pay-to-stay’ program forces rich prisoners to pay the money which will be used to improve the detention facilities of poor prisoners," paliwanag niya. Idinagdag pa niya mabubura rin ang “lagayan" o “VIP" treatment sa mga piitan kung magiging batas ang kanyang panukala. - GMA News