ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Responsibilidad sa baliktad na watawat ng ‘Pinas sa website ni PNoy, inako ng opisyal


MANILA – Inako ni Communication Secretary Herminio Coloma Jr. ang responsibilidad sa palpak na pagkakalagay ng baliktad na larawan ng bandila ng Pilipinas sa website ng Tanggapan ng Pangulo. Sa panayam ng mga mamamahayag sa Malacañang nitong Biyernes, sinabi ni Coloma na lalo nilang susuriin ang mga larawan at artikulong inilalagay sa website. "Ako na lang ang magte-take ng responsibility kasi ayoko rin naman na maapektuhan masyado ‘yung employee concerned ‘di ba? Bata pa yung empleyado, kailangan din naman ma-encourage pa rin," paliwanag ni Coloma, pinuno ng Presidential Communications Operations Office, na siyang namamahala sa OP website. Nitong Huwebes, kaagad umanong ipinaalam ng hindi tinukoy na empleyado sa kinauukulan ang baliktad na pagkakalagay ng larawan ng watawat (nasa itaas ang bahagi ng kulay pula) sa website, at mabilis itong inalis. Ngunit bago matanggal ang larawan, nakapag-screen grabbed na ang GMA News Online. (Basahin: Baliktad na watawat sa website ni PNoy, umani ng kritisismo) “I’m satisfied with the explanation. It was an honest mistake that was committed in good faith. Wala namang willful intent," ayon sa kalihim. Dahil sa insidente, lalo umanong hihigpitan ng Malacanang ang sistema sa pagsusuri ng mga inilalagay sa website. “Kasi ang maaring nangyari d’yan, even if it was removed, may mga nagmo-monitor — kasi ‘pag nagmo-monitor ka, unless you refresh it makikita mo pa rin ‘yung dati. So ganun lang ‘yon: immediately noticed, immediately rectified, immediately removed, immediately reported," paliwanag ni Coloma. Ginawa ang paglalagay ng watawat ng Pilipinas sa website ng OP bilang suporta sa selebrasyon ng Philippine flag mula May 28 hanggang June 12, paggunita rin sa Independence Day ng bansa. -- GMA News