Filtered By: Topstories
News

Pamasahe sa MRT at LRT, ‘di tataas sa pasukan, pero…


MANILA – Tiniyak ng isang mataas na opisyal ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na walang pagtaas sa singil sa pamasahe na magaganap sa naturang uri ng transportasyon sa pagsisimula ng klase sa susunod na linggo. Gayunman, sinabi Hernando Cabrera, corporate secretary of the LRTA, sa mga kongresista na dumalo sa pagdinig ng House committees on government enterprises and privatization at committee on transportation nitong Martes, na hindi na maiiwasan ang fare hike sa LRT at Metro Rail Transit (MRT). Ayon kay Cabrera, aprubado na ang fare hike pero ipinagpaliban muna ang pagpapatupad nito para makabawas sa gastusin ng mga magulang. "We decided to postpone or forego the implementation in light of the recent increase in bus and jeepney fares and the school opening so as not to burden the parents. We have suspended it indefinitely," paliwanag ng opisyal. Ikinatuwa naman ng mga mambabatas ang ibinalita ni Cabrera pero umaasa sila na tuluyang iaabandona ang fare increase. Hiniling din ni Bayan Muna party-list Rep. Teodoro “Teddy" Casino, kay Cabrera na pag-aralan ang mga maanomalya umanong kontrata sa MRT 3. "We are still deeply worried that the onerous provisions of the MRT3's contract remain unchanged, resulting in government paying P5.3billion annually for the debts incurred by the previous private owners. Worse, government is planning to pay a new private entity P15 billion a year to run the system," ayon sa kongresista. Kapag ipinatupad ang bagong singil sa pamasahe, ang maximum fare sa MRT ay aabot sa P28. Samantala, magiging P30 naman ang singil sa LRT Line 1 at P35 naman sa LRT Line 2. Kailangan na umanong itaas ang singil sa pamasahe sa MRT at LRT para mabawasan ang ibinibigay na subsidiya ng pamahalaan sa mga pasahero nito at magamit ang matitipid na pondo sa pagpapahusay sa pasilidad ng MRT at LRT. Ang dagdag na singil sa pamasahero inaprubahan ng board ng LRTA, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation and Communication (DoTC). - GMA News