ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagsama kay Deles sa lupon na pipili ng OIC sa ARMM, inalmahan


MANILA – Pinalagan ng ilang kongresista ang pagsama kay Presidential Adviser on Peace Process (OPAPP) Sec. Teresita Deles sa binuong consultative body na pipili sa magiging officers-in-charge (OIC) sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Kinukuwestiyon ng mga kongresista ang kredibilidad ni Deles kaya makabubuti umanong huwag nang makisali sa proseso ng gagawing pagpili ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa mga pansamantalang mamumuno sa rehiyon. Nakatakdang lagdaan ni Aquino ang inaprubahang panukalang batas ng Kongreso na iurong ang ARMM elections sa 2013, na nakatakda sanang gawin sa darating na Agosto. Ipinaalala nina Davao del Sur Rep. Marc Douglas Cagas IV, at San Juan City Rep. Joseph Victor Ejercito, ang pagiging arogante at pag-insulto umano ni Deles kay Lanao del Norte Rep. Fatima Aliah Dimaporo sa naganap na budget hearing sa Kongreso noong nakaraang taon. (Basahin: P1 budget sa tanggapan ni Deles ‘di puwede – Abaya) “She’s definitely not credible. She should undergo a neuro exam first," pahayag ni Cagas kay Deles, na sinasabing responsable sa pagpili noon kay Zaldy Ampatuan, para maging gobernador ng ARMM. Suspindido ngayon si Ampatuan dahil sa pagkakasangkot ng kanyang pamilya sa naganap na Maguindanao massacre noong 2009 kung saan 57 katao ang nasawi, kasama ang 32 mamamahayag. “As far as the House of Representatives is concerned, I think she is not up to the job given the attitude she displayed against one of our colleagues during last year’s budget hearing. Not a good impression on her kind of character," ayon naman kay Ejercito. Iginiit naman ni Zambales Rep. Ma. Milagros Magsaysay, na may kinikilingang mga tao sa ARMM si Deles kaya hindi ito dapat mamuno o maging miyembro ng consultative body. “I don’t think she should head it even though she is OPAPP head. I would rather get someone apolitical who is not organic to the area to head it so there would be any biases or prejudices," paliwanag ng kongresista. Nagbabala naman si Gabriela Rep. Emmi de Jesus na makadadagdag sa kontrobersiya si Deles kapag nagkaroon ito ng partisipasyon sa pagpili ng mga OIC sa ARMM. - GMA News