ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bago naging Pilipinas ang Pilipinas


Ngayong Hunyo 2011, ipinagdiwang ng mga Pilipino ang ika-113 taong Kalayaan ng Pilipinas. Pero alam niyo ba kung ano ang mga naging tawag ng ating bansa bago ito pinangalanang Pilipinas o Philippines? Marso 1521 nang “madiskubre" ng manlalakbay na Portuguese na si Ferdinand Magellan ang isang isla sa Pilipinas na bahagi ng lalawigan Cebu. Sinasabing tinawag ni Magellan ang Pilipinas na “Archipelago de San Lazaro," dahil kapistahan ng naturang santo nang dumaong ang kanyang grupo sa bansa. Hanggang ngayon, nagtatalo-talo ang ilang historian kung dapat bang tawagin na nadiskubre ni Magellan ang Pilipinas. Ito ay dahilan sa may mga tao na sa bansa at nakikipagkalakalan na sa kalapit na bansa nang dumating si Magellan, na patunay na hindi siya ang unang tao sa isla. May nagsasabi rin na mas akma umanong gamitin ang salitang “re-discover" ang nagawa ni Magellan sa Pilipinas. Ngunit ang puna naman ng ibang historian, ‘bakit sasabing muling nadiskubre ang Pilipinas gayung hindi naman ito “nawala."’ Pagkatapos ni Magellan, ilang manlalagay pa ang nakarating sa Pilipinas. Ang iba ay tinawag itong Islas del Poniente, at mayroon ding tumawag na Islas del Oriente at Islas de Luzones. Taong 1543 nang marating ni Ruy López de Villalobos ang bahagi ng Samar/Leyte at tinawag niya itong “Filipenas," bilang handog sa hari ng Espanya na si King Philip II. Nang magsimula ang pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas at magtayo ng kanilang balwarte sa Maynila, tinawag ni Miguel Lopez de Legazpi na Islas Filipinas ang buong bansa noong 1565. Pagkaraan nito ay sinasabing naging Philippine Islands ang bansa sa panahon ng pananakop ng Amerika, hanggang sa umigsi bilang Philippines at Pinoy version na Pilipinas. - FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia