ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hubert Webb, nasa bansa nang maganap ang Vizconde massacre, ayon sa NBI


MANILA – Nasa Pilipinas umano si Hubert Webb nang maganap ang Vizconde massacre noong 1991. Ito ang lumabas sa muling imbestigasyon na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI). Gayunman, sinabi ni Department of Justice Sec Leila de Lima sa iginagawang pulong balitaan nitong Martes, na wala silang sapat na katibayan para idawit muli sa naturang karumal-dumal na krimen si Webb, anak ni dating Sen Freddie Webb. "We found no credible and confirmed evidence, whether testimonial or otherwise that would place Hubert Webb and company at the scene of the crime," paliwanag ni De Lima. Sa nabanggit na pulong balitaan, sinabi ni NBI Death Investigation Division chief Romulo Asis, na batay sa nakalap nilang “technical evidence" mula sa Bureau of Immigration at mga sinumpaang salaysay ng mga bagong testigo, lumitaw na hindi lumabas ng bansa si Webb. Taliwas ito sa naging depensa ni Webb na nasa US siya nang maganap ang krimen noong June 1991.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Noong Disyembre 2010, nakalaya si Webb at iba pang akusado matapos magdesisyon ang Korte Suprema na hindi sapat ang katibayan at testimonya para idiin ang mga akusado sa pagpatay sa mag-iinang sina Estrellita, Carmela, at Jennifer Vizconde. Bagaman hindi na maaaring kasuhan muli si Webb at iba pang akusado na pinawalang-sala ng SC dahil sa legal na patakarang “double jeopardy," mayroon naman tatlong suspek na maaari umanong kasuhan ng DOJ. Ayon kay De Lima, kabilang sa mga bagong suspek sa kaso ay ang Bing at Dong Villadolid, umano’y mga drug user na itinuro ng bagong testigo na si "Dang." Pinag-uusapan daw ng mga ito ang isang "Maria" (pinapaniwalaang si Maria Carmela) isang araw bago naganap ang krimen. Idinagdag ng kalihim na hinahanap nila ang isang "Black Maria" na maaaring nasa loob umano ng bahay ng mga Vizconde nang maganap ang pagpatay. Maaaring kilala raw nito ang mga salarin. Sa hiwalay na pulong balitaan nitong Martes, ipinaalala naman ni SC spokesman Jose Midas Marquez, na pinal na ang pasya ng pinakamataas na korte sa ginawang pag-absuwelto sa grupo ni Webb. "As far as the court is concerned, that case has already been decided and the acquittal is a final decision of the court. So I don't know what they will be doing after coming up with the result of that reinvestigation of theirs," ayon kay Marquez. "You have to remember you have a set of accused here who have already been acquitted and to file new charges against the accused may result in double jeopardy," dagdag niya. - GMA News