ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

8 hinihinalang kriminal, napaslang sa Rizal at Laguna


Walong lalaki na sangkot umano sa pagnanakaw ang napaslang ng mga awtoridad sa magkahiwalay na engkuwentro na naganap sa lalawigan ng Rizal at Laguna. Dakong 2:35 a.m. nitong Sabado nang makasagupa ng mga pulis sa Rizal ang apat na armadong lalaki sa Bay Town sa Brgy Muzon sa bayan ng Taytay. Sa ulat ng pulisya, sinabing ninakawan ng mga suspek na sakay ng isang Tamaraw FX ang isang Lourdes Sultura sa Ortigas Extension sa Brgy San Isidro. Kaagad na naalerto ang mga pulis at nagkaroon ng habulan mula sa Ortigas Extension, hanggang abutan sa Brgy Muzon. Kasunod nito ay naganap na ang palitan ng putok at napaslang ng mga pulis ang apat na suspek. Nitong Biyernes ng madaling-araw, apat na hinihinalang miyembro rin ng mga magnanakaw ang napaslang naman ng mga pulis sa isang engkuwentro sa Calamba City, Laguna. Ayon kay Senior Superintendent Gilbert Cruz, pinuno ng Laguna-PNP, sakay ng dalawang motorsiklo ang apat na suspek nang agawan ng baril si Emmanuel dela Cruz Sobrepeña, security guard sa Jac Bus Lines terminal sa Barangay Turbina sa Calamba City. Matapos biktimahin si Sobrepeña, inagawan din umano ng cellphone ng mga suspek si Jessa Belle Salibio, nakatira sa Brgy Turbina. Kaagad na naipaalam sa mga pulis ang insidente at binantayan ng mga ito ang mga lugar na posibleng dadaanan ng mga suspek. Nagpaputok umano kaagad ang mga suspek nang makita ang nakaabang na mga pulis. Gumanti ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkasawi ng apat na suspek. Nakuha umano sa mga suspek ang limang baril at isang cellphone. – GMA News