ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Wala raw basehan na nakagagaling ng sakit at pampagana sa sex ang tuko


MANILA— Nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Martes sa publiko na parurusahan ang mga nanghuhuli at nagbebenta ng tuko (gecko). Ang babala ay ginawa ni DENR Sec Ramon Paje, kasunod ng mga ulat na nagiging talamak na panghuhuli at pagbebenta ng mga tuko dahil inaakalang nakagagaling ito ng mga sakit. Sa isang pahayag, ipinaalala ni Paje na ipinagbabawal ang paghuli at pagbebenta ng mga protected animals sa ilalim ng Republic Act 9147 or the Philippine Wildlife Resources Conservation and Protection Act. “The law expressly provides that the collection, trade or transport of geckos without appropriate permits is punishable by imprisonment and fine... specifically, if the technique used in the capture of the gecko is inappropriate," pahayag ng kalihim. Batay sa natanggap na ulat ni Paje, ang mga nahuhuling tuko sa iba’t ibang parte ng bansa ay ibinebenta umano ng hanggang P50,000 bawat 300-gramo. Ayon pa sa kalihim, walang scientific basis na aphrodisiac o pampagana sa sex ang pagkain ng tuko, o kaya naman ay nakagagaling ng mga sakit katulad ng cancer, asthma, tuberculosis, impotence at maging Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS). Sa Pilipinas, mayroon umanong 26 species ang tuko na tanging dito lamang sa bansa makikita. Mahalaga umano ang papel ng mga tuko para ecosystem lalo na sa pagkontrol sa pagdami ng mga peste. “Geckos feed on insects and worms. Larger species hunt small birds and rodents, while still other species feed on plant matter such as mosses. They play an important role in maintaining our fragile ecosystems," paliwanag ni Paje. – GMA News