ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Biik na 2 ang sex organ, isinilang sa Pangasinan


BALITANG AMIANAN – Namangha ang isang nag-aalaga ng baboy sa Barangay Cacaritan sa San Carlos, Pangasinan nang magsilang ang kanyang inahing baboy ng biik na dalawa ang kasarian o hermaphrodite. Kasama ang veterinarian ng San Carlos City, binisita ng GMA News Balitang Amianan, ang alagang baboy ni Mang Arnold Fermin sa Brgy Cacaritan. Ayon kay Fermin, dakong 1:00 p.m. nitong Miyerkules nang magsilang ng 14 na biik ang alaga niyang inahin. Nang suriin ang mga kasarian ng biik, nakita nito ang isa sa mga biik na may sarian ng babae at bayag (pero walang ari ng lalaki). “Hermaphrodite, mayroon siyang dalawang organ kahit walang titi. Considered pa rin na dalawa (ang organ) dahil may bayag ito na part ng male (organ)," paliwanag ni Dr Solom Gabuyan, City Veterinarian ng San Carlos. Sinabi ni Mang Fermin na pangatlong pagkakataon na raw na manganak ang inahin niyang baboy pero ngayon lang ito nagkaroon ng biik na may dalawang kasarian Bagamat komplikado ang sitwasyon ng biik at maliit ang tiyansang mabuhay, aalagaan pa rin daw ito ni Mang Fermin at hindi niya ipagbibili. – Balitang Amianan