ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dahilan sa likod ng pagpapakamatay ng DBP exec, nais malaman ni PNoy


MANILA – Nais malaman ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ang buong detalye sa likod ng pagpapakamatay ng isang opisyal ng Development Bank of the Philippines (DBP) na sinasabing tetestigo sana laban sa isang negosyante na umano’y malapit sa dating administrasyong Arroyo. Sa panayam ng media nitong Martes sa Batangas City, sinabi ni Aquino na may napansin siyang hindi nagtutugma sa motibo ng umano’y pagpapakamatay ni Benjamin Pinpin, assistant vice president ng DBP. "I really wanted to find out. The description was the guy, the lawyer who unfortunately seemed to have committed suicide, was one of the initial [witnesses], if not the prime witness, in what has transpired," ayon sa pangulo. “One would wonder, kung nagi-guilty ka, palagay mo may maling nangyari, pag na-reveal mo yan dapat parang lumuwag [ang] kalooban mo. Hindi ganun [ang nangyari], medyo may inconsistency. I want to find out why there [was] inconsistency," pagdiin niya. Natagpuan si Pinpin sa loob ng isang hotel sa Las Pinas City na nakabigti noong nakaraang linggo. Sa umano’y suicide note nito, naglabas ng hinanakit si Pinpin tungkol sa isang affidavit na pinapirmahan sa kanya na malayo na raw sa katotohanan. Sa mga lumabas na ulat, nagsasagawa ng imbestigasyon ang bagong board ng DBP tungkol sa isa negosyante na malapit umano sa mga Arroyo at nakautang ng malaking halaga sa bangko. Sa nakaraang panayam kay Atty. Raul Lambino, tagapagsalita ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kinondena nito ang nangyari kay Pinpin at kinastigo ang umano’y panggigipit ng administrasyon para idiin ang mga Arroyo. Una rito, inatasan ni Aquino si Finance Secretary Cesar Purisima na repasuhin ang proseso ng ginawang pag-imbestiga ng bagong board ng DBP sa usaping kinasasangkutan ni Pinpin. Dahil sa nangyari kay Pinpin, lumabas sa mga ulat na demoralisado ang rank and file employees ng bangko dahil sa umano’y sistemang pinaiiral ng bagong pamunuan ng DBP. "If they have been overzealous… we will rein them in," pahayag ni Aquino noong nakaraang linggo. Sinabi ng pangulo nitong Martes, na nakausap na niya si Purisima pero hinihintay pa niya ang buong ulat tungkol sa nasabing usapin sa DBP. "Na-brief niya ako [pero] exactly ano ba itong mga deal na under question? Bakit sila under question? Anong processes [ang] ginagawa ng board to unearth the facts," ayon kay Aquino. — GMA News