Labis na oras sa Facebook, may masamang epekto raw sa pag-aaral
Lumitaw sa isang pag-aaral sa US na mababa raw ang markang nakukuha sa paaralan ng mga kabataan na nahuhumaling sa Facebook. Sa ulat ni GMA News Pia Arcangel sa 24 Oras nitong Martes, sinabing nakitaan sa isinagawang pag-aaral ng American Psychological Association ang koneksiyon ng social networking sites gaya ng Facebook sa pagbaba ng marka ng mga estudyante doon. Ayon sa pag-aaral, mas mababa ang grado sa eskuwelahan ng mga mag-aaral na bumibisita sa Facebook tuwing ika-15 minuto. Bukod dito, ang mga kabataan na nahuhumaling sa naturang social networking site ay may posibilidad na magpakita ng psychological disorder, maging depress at maging mapagsarili.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Bagaman wala pang ganitong pag-aaral sa Pilipinas, sinabi ng ilang eksperto matagal na silang nagbabala laban sa labis na paggamit ng Internet. Ayon kay Dr Bernadette Arcena ng St Lukes Hospital, bukod sa nawawala ang quality time ng mga bata, lumalawak din umano communication gap sa kanila at nawawala ang tutok nila sa pag-aaral. Dahil may maganda rin naman daw naidudulot ang Internet sa kaalaman ng mga kabataan, sinabi ni Arcena na kailangan lamang gabayan ng husto ang mga bata. Sa panayam ni Arcangel sa batang itinago sa pangalang Nick, 12-anyos, inamin ng bata na nahumaling siya noon sa Internet partikular sa Facebook kaya bumagsak ang kanyang marka ng hanggang 65. Pero kung dati ay nagbababad si Nick sa mga internet shop ng mula hapon hanggang hatinggabi araw-araw, ngayon ay dalawang oras na lang umano para makabawi sa kanyang pag-aaral. - FRJ, GMA News