ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Paglagay kay ex-Pres Arroyo sa travel watch list, wala raw basehan


MANILA – Isang pagkakamali umano ang ginawa ng Department of Justice (DOJ) na ilagay sa Immigration watch list si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil wala pa namang kasong isinasampa sa kanya sa korte. Sa panayam ng media nitong Miyerkules, sinabi ni House Minority Floor Leader Rep. Edcel Lagman, na iniimbestigahan pa lamang ang mga alegasyon laban kay Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga. “I think it is wrong because these are all allegations. It is not even filed before the courts. I think the prosecutorial process is in the initial stage. It is yet unclear," paliwanag ni Lagman. Idinagdag pa niya na wala rin umanong balak ang dating pangulo na takasan ang mga kasong isasampa laban sa kanya sa korte. “There is no evidence of flight from the jurisdiction of this country. One of the reasons to issue a hold departure order is if the person is a fugitive from justice. It is not the case," giit niya. Nitong Martes, sinabi ni DOJ Sec Leila de Lima na inilagay na niya si Arroyo sa Immigration watch list. Dahil dito, kailangan muna ng dating pangulo na humingi ng permiso sa DOJ kapag nais nitong lumabas ng bansa. Kasalukuyang nasa St. Luke's Medical Center sa Taguig City si Arroyo para sumailalim sa muli sa operasyon sa kanyang cervical spine. Nadiskubre na ang titanium plate na inilagay sa kanyang spine sa unang operasyon ay nawala sa puwesto kaya muling dumaing ng sakit sa katawan ang dating lider. Gayunman, nanindigan si De Lima na nararapat ang paglalagay kay Arroyo sa watch list dahil na rin sa tatlong plunder charges na isinampa sa DOJ. “Because of the pendency of the cases under preliminary investigation sa department namin, I decided to exercise my motu proprio powers of issuing a watch list order against the former President," paliwanag niya. Idinagdag pa niya na nakasaad sa department circular na ipinalabas noong May 2010 na nagbibigay ng kapangyarihan sa DOJ chief na magpalabas ng watch list order. Si Arroyo ay inireklamo ng kasong pandarambong kaugnay sa maanomalya umanong paggamit ng pondo ng Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA), ang diversion ng fertilizer funds, at pagbenta sa ari-arian ng paliparan ng Iloilo. Sinabi naman ni Lagman na hindi siya magtataka kung mauwi sa hold departure order ang watch list order na ipinalabas ng DOJ kay Arroyo. “If that happens, it will be really without due process," reklamo niya. - GMA News