Bangkay ng tatlong lalaki, natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Pangasinan
Positibong nakilala ng mga kaanak ang bangkay na natagpuan sa Bayan ng San Fabian, Pangasinan na hinihinalang salvage victim. Nakilala ang biktimang si Melchor Serafica, isang Mapeh teacher sa Dagupan City National High School residente ng Barangay Aselda, Mapandan, Pangasinan. Mangiyak ngiyak pa ang asawa nito at halos hindi makapagsalita nang makumpirmang mister niya ang pinatay. . . âNakita ko agad yung tatoo e, kasi pangalan ng anak namin yun", ayon kay Madel Posadas, asawa ng biktima. Nakilala na rin ang bangkay ng isa pang hinihinalang salvage victim na natagpuan naman sa bayan ng Sta. Barbara, Pangasinan. Siya si Jonal Lomibao, tindero ng prutas, trenta anyos residente rin ng naturang lugar. Napag-alamang magkumpare sina Serafica at Lomibao na huling nakitang magkasama bago natagpuang patay sa magkaibang lugar. Sa ngayon, nakatakdang isailalim sa autopsy ang dalawang bangkay habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang totoong motibo sa krimen. . . Samantala, sa Alaminos City naman, isang naaagnas na bangkay ang natagpuan ng mga otoridad sa bukiring bahagi ng Barangay Amangbangan. Tinatayang nasa edad kwarenta hanggang singkwenta anyos, may taas na 5â2 at pinaniniwalaang may diperensiya sa pag-iisip base na rin sa impormasyong nakalap ng pulisya. --Glamorfe L. Calicdan, GMANews