ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Makapigil-hiningang paglapag ng PAL plane sa L.A., nakunan ng video


Ligtas ang mahigit 400 sakay ng isang Philippine Airlines (PAL) Boeing 747 "jumbo" plane na nag-emergency landing sa Los Angeles International Airport (LAX) nitong Sabado ng umaga (Manila time), matapos nagkaroon ng problema sa landing gear. Sa video report ng KCAL 9 News, na nakalagay sa website ng CBS Los Angeles, tinutukan nila ang pagdating ng PAL flight PR102 sa paliparan, hanggang sa maayos itong makalapag. "He's very very close. She's coming over the fence. He's doing what he's supposed to do. He's slow. He's low and he's heavy. You can see the heat coming from all four engines. That's a very positive sign as well," pahayag ng reporter habang tinutukan ang makapigil-hiningang emergency landing. (View the video report here) Maging ang reporter at anchor na nagsagawa ng breaking news ay nakahinga ng maluwag nang makitang maayos na nakalapag ang eroplano. "Perfect smooth landing there from Philippine Airlines," ayon sa reporter na inilarawan ang paglapag na, "solid and good." "Uh, my goodness. Some tense moments here... for all of us," pahayag naman ng lady anchor. "Thank goodness. I'm sure those passengers are thankful they are back on the ground after a long flight," dagdag ng anchor. Batay sa naging abiso ng piloto ng PAL plane sa LAX, posibleng magkaroon sila ng problema sa paglapag dahil sa "landing gear problem." Sa sumunod na ulat ng KCAL9 matapos makalapag ang eroplano, lumitaw na ang problema ay dulot ng dalawang sabog na gulong nito. Iniulat ng mamamahayag na si Rita Garcia, na batay sa kuwento ng mga opisyal, nang malaman ng piloto ang problema sa landing gear ay nagpasya ito na i-“fly-by" muna ang eroplano bago isinagawa ang emergency landing. Ang LAX ay isa sa mga pinakaabalang paliparan sa mundo na may tinatayang 600,000 flight arrival at departure. Walang problema sa landing gear Sa isang pahayag na ipinalaban ng PAL nitong Sabado ng hapon, sinabing 418 ang pasahero ng B747-400 aircraft na PAL flight PR102. Nilinaw din sa pahayag na walang problema sa “landing gear" ng eroplano. Bagkos ang problema ay tungkol lamang sa isang gulong na sumabog at hindi dalawa gaya ng napaulat. Matapos masuri at mapalitan ang sumabog na gulong, pinayagan na muling lumipad ang B747-400 aircraft pabalik ng Manila (flight PR103). - GMA News