ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Unang sinehan sa Pinas


Alam niyo ba na ang itinuturing kauna-unahang sinehan sa Pilipinas na pag-aari ng isang Pilipino na itinayo sa Maynila ay ipinangalan sa isang sikat na bayani? Ilan sa mga unang sinehan – o kung tawagin noon ay Cinematografo – sa Pilipinas na pinaglabasan ng mga pelikula ay pag-aari ng mga dayuhan katulad ng Salón de Pertierra sa Escolta, Manila noong 1897. Pagdating ng 1901, ilan pang sinehan na pag-aari ng mga dayuhan ang itinayo sa Maynila gaya ng Gran Cinematografo Parisien at Cine Walgrah. Taong 1903 nang itayo sa Azcarraga (tapat ng Tutuban) sa Maynila ang sinehan na pag-aari ng pintor na Pinoy na si Jose Jimenez. Pinangalan niya itong Cinematografo Rizal na hango sa pangalan ng pambansang bayani na si Dr Jose Rizal. Dahil nakagiliwan ng mga Pilipino ang panonood ng pelikula, dumami ang namuhunan sa pagtatayo ng mga sinehan gaya ng Cine Paz, Cine Anda, at Cine Ideal. Maging ang mga teatro na pinaglalabasan ng mga zarzuela at vaudeville ay ginawa na ring sinehan. Ang pelikulang "La Vida de Rizal" na ipinalabas noong 1912, ang itinuturing kauna-unahang pelikula na gawa ng Filipino. Samantala, si Jose Nepomuceno ang nag-produce ng first Filipino "full-length" film na "Dalagang Bukid" noong 1919. - FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia