Solusyon sa matinding trapiko sa Baguio City, iminungkahi
BAGUIO CITY â Iminungkahi ng isang public transport group ang pagtatayo ng multi-level parking at centralize loading at unloading area para sa lahat ng pampublikong sasakyan para malutas ang lumalalang problema sa trapiko sa lungsod. Sa isinagawang tourism and business seminar na ginanap sa Baguio City kamakailan, sinabi ni Perfecto Itliong, lider ng transport group, na nakasasama sa turismo ng lungsod ang lumalalang problema sa trapiko. Bukod sa paglalagay ng multi-level parking system, kailangan din umanong ayusin ang ordinansa tungkol sa mga lugar na bawal magparada dahil ang kadalasang mga nahuhuli at natatanggalan ng plaka ay mga turista rin dahil sa kawalan nila ng kaalaman sa naturang batas. Naniniwala si Itliong na bubuti ang daloy ng trapiko sa lungsod kapag naisagawa ang multi-level parking dahil maaari rin itong gamitin na pansamantalang paradahan ng mga pampublikong sasakyan na naghihintay ng kanilang oras na makapuwesto sa kanilang paradahan. Iminungkahi rin niya na magkaroon ng centralize na loading at unloading area sa mga bus at PUJ, at maging sa mga school bus. Ipinaalala niya na mayroong naipasang administrative order na dapat magkaroon ng sariling istasyon ang mga bus upang lumuwag ang trapiko sa Gov. Pack Road na isa sa mga main road sa lungsod. Sinabi ni Councilor Elmer Datuin, chairman ng city councilâs tourism committee, na pag-aaralan ng tanggapan ni Mayor Mauricio Domogan ang mga nasabing mungkahi at nangakong susuportahan ang mga panukala ng grupo ni Itliong. -- TP/FRJ, GMA News