Pinakamalaking moske sa Pinas
Libu-libong Muslim ang nagtungo sa kabubukas pa lamang na Sultan Haji Hassanal Bolika Masjid o Grand Mosque sa Barangay Kalanganan, Cotabato City, para ipadiwang ang Eid ul-Fitr o ang pagtatapos ng Ramadan nitong katapusan ng Agosto. Itinuturing pinakamalaking moske o bahay dalanginan ng mga Muslim sa bansa ang Grand Mosque na pinondohan ni Sultan Hassanal Bolkiah ng Brunei at pamahalaan ng Pilipinas. Dahil sa magandang disenyo ng moske na sinimulang itayo noong 2009, at tinatayang nagkakahalaga ng P2 bilyon, magiging sentro na rin ito ng turismo sa lungsod Cotabato. Itinayo ito sa lupain na pag-aari ng mga Dilanganen na malapit sa baybayin ng Brgy Inawan, kung saan matatanaw ang Moro Gulf. Mayroon itong apat na tore na tinatayang may taas na 43 metro. Tanaw ang makintab na mga gold-plated dome ng moske maging sa mga taong naglalayag sa Moro Gulf mula sa silangan, at mga paparating na sakay ng eroplano sa Awang Airport sa katimugang bahagi ng lugar. Kayang mag-accommodate sa loob ng moske ng hanggang 800 lalaki na mananampalataya at 400 kababaihan. Magsisilbi rin itong community centre sa rehiyon. Noong Hulyo, personal na sinuri ni Pangulong Benigno âNoynoy" Aquino III ang ginagawang konstruksiyon ng moske para tiyakin magagamit ito ng mga kapatid na Muslim sa kanilang mahalagang selebrasyon nitong katapusan ng Agosto para sa Eid ul-Fitr. - FRJ, GMA News