ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OFWs na OWWA members, hinikayat na makibahagi sa scholarship program ng ahensiya


Nanawagan ang tanggapan ng Overseas Workers Welfare Administration sa Jeddah sa mga overseas Filipino worker na may mga anak na nag-aaral dito na samantalahin ang ipinagkakaloob ng scholarship program para sa mga miyembro ng OWWA. Hinimok ni Welfare Officer Benny Reyes ang mga OFW na may anak na nag-aaral sa Jeddah at magtatapos sa high school sa Marso 2012 na kumuha ng qualifying examination para scholarship program na ipinagkakaloob ng ahensiya sa mga miyembro nito. Sinabi ni Reyes na ang mga interesado ay maaaring makipag-ugnayan sa kanila hanggang sa Martes, September 20. Kailangan din ipadala ang pangalan ng mga kukuha ng eksaminasyon sa home office sa Manila bago matapos ang Setyembre. Gagawin ito upang malaman ang bilang ng mga kukuha ng eksaminasyon na irerekomenda naman sa Jeddah post bilang testing center. Matatandaang na sa unang pagkakataon ay nagsagawa ng eksaminasyon sa Konsulado at Embahada ng Pilipinas noong Enero para sa Education for Development Program (EDSP). Umabot sa 98 estudyante mula sa iba’t ibang Philippine School sa Kaharian ng Saudi Arabia ang kumuha ng pagsusulit. Ang EDSP ay isa sa mga programa ng OWWA na ibinibigay para sa mga kwalipikadong benepisaryo sa mga miyembro nito. Ang mga papasa ay libreng makapag-aaral sa kolehiyo. Nakatakdang magbigay ng eksaminasyon sa buong Pilipinas kabilang ang mga nasa ibayong dagat sa November 20, 2011. Ilan sa mga requirements para makasali sa qualifying exams ng EDSP ay kailangan miyembro ng OWWA at kabilang sa upper 20 percent ng mga graduating students . Para naman sa mga OFWs na ang mga anak na magtatapos sa high school na sa Pilipinas nag-aaral, sinabi ni Reyes na kailangan silang makipag-ugnayan sa mga regional office ng OWWA sa kanilang kinaroonan. Idinagdag ni Reyes na ang mga OFW sa KSA na OWWA members na interesado sa programa ay maaaring makipag-ugnayan sa OWWA Offices sa Riyadh at Al Khobar. -- Ronaldo Z. Concha, GMA News